Nagsiwalat ng impormasyon si Senator Risa Hontiveros nitong Lunes, Hulyo 15 mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na nag-uugnay sa umano'y kapatid ni dating presidential adviser Michael Yang sa nilusob na POGO hub sa Bamban, Tarlac.
"Ang kumpanya ni Alice Guo, ang BAOFU, ay may direktang transaksyon sa joint account ng dalawang tao— ang isa si Yu Zheng Can, na incorporator ng Hong Sheng, ang POGO na ni-raid sa Bamban, Tarlac. Ang kasama niya sa account ay isang nagngangalang Hongjiang Yang," sinabi ni Hontiveros sa isang press conference.
"Who is Hongjiang Yang, you may ask? Kapatid po siya ni Michael Yang. Yes, the same Michael Yang na dating economic presidential adviser kuno ni Duterte. In short, the money of Michael Yang's brother was used to fund HongSheng, the raided Bamban POGO," dagdag pa niya.
Ibinahagi rin ni Hontiveros na si Yang ay incorporator ng Full Win Group of Companies, kompanyang pagmamay-ari ng dating presidential adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kung saan si Gerald Cruz ay incorporator din.
Sa nagdaang Senate hearing, sinabi ni Hontiveros na si Cruz ay incorporator ng Brickhartz Technologies Inc., isang illegal POGO firm kung saan ang mga dokumento nito ay Nakita sa ni-raid na Bamban POGO hub.
Si Cruz din ay incorporator ng Pharmally Biological, ayon pa kay Hontiveros.
Ang Pharmally Biological ay isang kompanyang iniuugnay kay Michael Yang.
Nauna nang napaulat na sister company ito ng Pharmally Pharmaceutical Corporation. Ito ang kompanyang nasangkot sa umano'y overpriced COVID-19 supplies na binili ng pamahalaan sa kompanyang ito.
"Sabi ko nga, mukhang one big, happy Pharmally pala itong mga POGO at Pharmally members. Baka nga itong Pharmally pala ang 'PHARM' na kinalakihan ni Alice Guo," ani Hontiveros.
Patuloy na bubusisiin ng komite ni Hontiveros na Senate committee on women, children, family relations, and gender equality ang naturang isyu.
"Hindi po kami hihinto hangga't matunton at maputol ang mga ugat ng POGO," dagdag pa niya.
Wala pang tugon si Yang sa isiniwalat na ito ni Hontiveros.
CALOY CARLOS - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment