Ipinaaaresto ng House Committee on Dangerous Drugs ang negosyanteng si Michael Yang, ang dating adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na iniuugnay sa nakumpiskang P3.6 bilyong halaga ng shabu sa isang warehouse sa Mexico, Pampanga.
Sa pagdinig nitong Miyerkoles, inaprubahan ng komite na pinamumunuan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang mosyon na i-cite in contempt si Yang dahil sa hindi nito pagdalo sa mga pagdinig.
"Since he is not present, pursuant to our rules on Section 11, if I may read, the Committee may punish any person for contempt by a vote of two-thirds of the members present," sabi ni Barbers.
Mayroong 10 miyembro ng komite na dumalo sa pagdinig, lagpas sa two-thirds requirement upang maaprubahan ang mosyon ni Abang Lingkod party-list Rep. Joseph Stephen Paduano.
"Citing the violation committed by Mr. Michael Yang under Section 11, Paragraph A, for refusing without legal excuse to obey summons and invitations, there is a motion to cite Mr. Michael Yang in contempt. The motion is duly seconded, and hearing no objection, the Committee is now citing Mr. Michael Yang in contempt," sabi ni Barbers.
Kapag naaresto, si Yang ay ikukulong sa Bicutan Jail sa Taguig City.
Ayon sa mga ulat, si Yang ay umalis pa-Dubai noong Mayo 12, 2024. Iniuugnay si Yang kay Lincoln Ong, na isang incorporator ng kompanya na may kaugnayan sa Empire 999, ang may-ari ng warehouse kung saan nakumpiska ang P3.6 bilyong shabu.
Si Ong ay isang opisyal ng Pharmally, na nadawit din sa kontrobersya kaugnay ng overprice umanong pagbili sa mga medical supplies noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Barbers ang testimonya ni Yang ay mahalaga upang malinawan ang mga isyu ng illegal drug smuggling activities na may kaugnayan umano sa Empire 999.
Inatasan ng komite ang secretariat na makipagtulungan sa Philippine National Police, National Bureau of Investigation, at iba pang law enforcement agency upang maaresto si Yang.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment