Itinuturing na ngayon ng Bureau of Immigration (BI) bilang "national security concern" ang dumaraming bilang ng mga dayuhang nahuhuli nila dahil sa pekeng birth certificate at iba pang Philippine documents.
Ginawang halimbawa ng BI ang isang Chinese na ibinalik sa Pilipinas dahil sa pag-aakalang Pilipino ito matapos na mabiktima umano ng human trafficking sa Malaysia at ginawang scammer.
Sinita ng mga immigration officer ang Chinese na kinilala lang sa alyas "King" nang dumating ito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Biyernes, Hulyo 13, at nagpakilala na isa siyang Pinoy pagdating sa arrival inspection.
Sa pagsisiyasat ng BI, nalaman na si "King", 40-anyos, ay umalis sa Pilipinas noong Hulyo 2023 at nagtungo sa Thailand gamit ang Chinese passport ngunit may hawak na permanent residence visa sa bisa ng Republic Act No. 7919 o The Alien Social Integration Act of 1995.
Inamin ni "King" na ginamit niya ang Chinese passport sa payo ng kanyang mga recruiter para hindi umano makuwestiyon ang pakay niya sa pagbiyahe.
Pagdating sa Thailand, tumawid siya sa isang ilog papunta sa Myanmar kasama ang tatlong katao pa. Doon nagtrabaho umano sila ngunit isang buwan lang ang natanggap na sahod at kalaunan ay pinapahirapan pa siya.
Pinaalis siya pagkatapos bayaran ang kanyang mga recruiter ng 20,000 Baht o mahigit P32,000 pero naaresto naman siya ng Thai immigration at ikinulong sa loob ng isang buwan.
Natakot umano si "King" na ipa-deport sa China kapag ginamit ang kanyang Chinese passport. Nalaman pa na permanent residence holder ang kanyang ina sa Pilipinas habang naturalized Filipino umano ang kanyang ama.
Inisyuhan umano siya ng travel document ng Philippine Embassy sa Bangkok at pina-deport sa bansa.
Kasalukuyang nakakulong si "King" sa holding facility ng BI sa Bicutan, Taguig City habang hinihintay ang pagpapa-deport sa kanya.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, matagal na nilang inalarma ang mga ganitong insidente na dapat mabigyan ng kaukulang aksyon ng gobyerno ang citizenship for sale modus.
"This is a national security concern that needs to be addressed, lest it be abused by foreign nationals with malicious intent in the Philippines," babala ng BI chief.
Samantala, sa hiwalay na panayam sa DZBB, sinabi ni BI spokesperson Dana Sandoval na dati na silang may mga nahuhuli na ganitong modus.
"Nakikita namin as a national security concern kasi hindi lang po isa ang nahuhuli natin in the past. In the recent years po, 10 na `yung nahuli natin at ang nakakagulat po last week nakaka tatlo na po tayo ng mga foreign nationals na may hawak na Philippine documents," ayon kay Sandoval.
ANGHEL MIDRERO - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment