Humihingi kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ng karagdagang personnel ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) upang palakasin ang kanilang puwersa sa pagtugis sa mga sindikato ng illegal POGO at tulungan ang mga testigo.
Sa kanyang pre-SONA report, sinabi ni PAOCC Executive Director at Undersecretary Gilbert Cruz na sa ngayon ay kakaunti ang kanilang personnel at hindi kayang habulin ang lahat ng mga organisadong krimen sa bansa.
Dahil dito, nakikipag-ugnayan sila sa Philippine National Police, National Bureau of Investigation at iba pang law enforcement agency para mahabol at arestuhin ang mga grupo na sangkot sa krimen.
Sa ngayon, sabi ni Cruz, 40 lamang ang kanilang personnel at nadagdagan ng apat dahil mayroong nag-on the job training.
Ibinunyag ni Cruz na matinding kumilos ang mga galamay ng ilegal na POGO dahil nireresbakan ang kanilang mga testigo sa pamamagitan ng pananakot o kaya ay sinasaktan ang pamilya tulad ng ginawa sa ama ng isa nilang saksi na sinagasaan.
"Binangga `yung tatay ng isang witness, buti na lang nabalian lang. So ngayon pinapagamot namin `yung tatay tapos ni-relocate namin iyong family," dagdag ni Cruz.
Marami aniya silang hawak na mga testigo laban sa mga illegal POGO sa bansa at hangad nila na tulungan ni Pangulong Marcos ang ahensiya para matustusan lahat ng pangangailangan nito.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment