Sinabi ni Manila Mayor Honey Lacuna na ang minana niyang utang noong nakaraang administrasyon na mahigit P17 billion ay nababayaran na, ito ay kasabay ng kanyang pasasalamat sa kapwa opisyal at kawani ng pamahalaang lungsod sa pagtulong sa kanya na matamo ang nasabing tagumpay.
"Sa pagtatapos ng pandemya, at sa pagpasok ng ating bagong pamamahala, nagdesisyon ako, na unahin na matustusan ang minana nating pananagutan sa mga nagpahiram ng pondo. Umabot ito ng mahigit pa sa P17 billion. Sa masinop at maayos na pamamahala natin sa pananalapi ng bayan, unti-unti, ipinagmamalaki kong nakapagbayad na tayo at nabawasan ang obligasyon ng mahigit sa dalawang bilyong piso, sa loob lamang ng isang taon. Tuloy-tuloy lang, at hindi natin tatalikuran ang mga obligasyon," pahayag ni Lacuna sa kanyang state of the city address (SOCA).
Ang address ng kaunahang lady mayor ay ginawa sa harap ng jampacked na PICC Forum Tent na dinaluhan ng mahigit 1,000 na binubuo ng mga barangay heads, city officiials, city councilors, lawmakers, business leaders at iba pang stakeholders, na pinasalamatan din ng alkalde sa kanilang di matatawarang suporta at tiwala sa kanyang pamamahala.
Dahil na rin sa dami ng mga nagsidalo na gustong magpakuha ng kanilang larawan sa alkalde habang naglalakad ito papunta sa entablado ay inabot ng halos isang oras bago nagsimula ang SOCA.Sinalubong din si Lacuna ng sigawan at palakpakan at chants na 'Mayora, Mayora!!!' bago siya opisyal na nagsimula ng kanyang SOCA.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Lacuna na sa kabila ng paghihigpit ng sinturon dahil sa minanang utang noong nakaraang administrasyon ay patuloy niya itong nababayaran, itinuloy ang mga pending projects at naglunsad pa ng maraming programa para matugunan ang mga pangangailangan ng Manileño lalo na sa aspeto ng kalusugan, hanapbuhay at iba pa.
Mula 2023 hanggang kasalukuyan, iniulat ni Lacuna na may kabuuang 184,572 registered senior citizens sa Maynila ay nabigyan ng monthly allowances bukod pa sa probisyon na birthday cakes at special Christmas gifts.
"Maraming Salamat sa ating Sangguniang panlungsod, na mabilis isinabatas ang aking adhikain na Death Benefits Welfare program, " pahayag ng alkalde at idinagdag nito na ang parograma ay nagkakaloob ng tulong sa mga naulila ng kanilang mahal sa buhay.
Ang city's Department of Tourism, ayon naman kay Lacuna ay nakapagtala ng 14 million local at foreign tourists kaya naman ang Maynila ay kinilala bilang "Worlds' Leading City Destination" noong December 2023 sa World Travel Awards na siyang highest award sa turismo sa buong mundo.
"Alam nating hindi naman perpekto ang ating siyudad, subalit malayo na din ang ating narating. Kung ikukumpara sa taong 2020 at 2021 noong pandemya, sa ngayon, ay paunti unting lumiliit ang bilang ng mga index crimes sa lungsod, bunga ng magandang kolaborasyon ng barangayan at ng MPD sa pagpapatrolya. Sa pinakahuling ulat ng PNP, ang kanilang datos ay nagsasabi na ang Maynila ang pangalawa sa may PINAKA-MABABANG insidente ng kriminalidad sa buong National Capital Region. Saludo kami sa inyo sa barangayan, at sa Manila Police District," ayon sa ulat nito.
"Iginawad sa Lungsod ng Maynila ang Disaster Resilience Champion Award, para sa buong National Capital Region. Pinalakas natin ang kanilang kapasidad sa pagtugon sa mga sakuna. Bumili tayo ng tatlong fire tankers, isang mobile shower unit at isang flood truck na may kapasidad na humigop ng baha. Mayroon din tayong ToolMan Truck na puno ng mga kagamitan sa pag-rescue," dagdag ni Lacuna.
"Sa loob ng isang taon, nagsagawa sila ng mahigit-kumulang 25,000 na operasyon laban sa mga lumalabag sa mga batas patungkol sa curfew, obstruction, batas trapiko atbp. Kabilang din dito ang suliranin sa trapiko at parking," pahayag pa nito.
Idinagdag din ng alkalde:"Sa mga susunod na taon, dahil sa ating matapat na pagsisinop ng ating pamahalaan, ay maisasakatuparan na natin ang mga naihanda nating plano para sa ikagaganda ng lungsod ng Maynila. Ang nasimulan natin. Ituloy natin. Ang bagong kabanata sa kasaysayan ng ating minamahal na lungsod ng Maynila. Magkakasama. Bilang isang pamilya. Ito ang ating laban.
Maynila, malayo na ang ating narating. Ngunit marami pa tayong kailangan gawin. Hinihiling ko lang, na kayo, ay MANIWALA. Hindi lamang sa aking kakayahan na maghatid ng pagbabago, kundi sa inyong mga sarili," pahayag pa ng lady mayor.
"Ito na ang ating pagkakataon, na sama-samang sagutin ang hamon ng ating lungsod. Hindi TAYO titigil. Hindi AKO titigil. Hanggang sa ating makamit, ang pinapangarap nating Magnificent Manila," ayon kay Lacuna.
"Mga kapwa ko Manileño, isa pong karangalan ang patuloy kayong pagsilbihan. Ngayon man o bukas, umaraw man o umulan, hinding hindi ko kayo iiwan. Maynila, Ikaw LAMANG ang UNA, Kay Honey Lacuna," pagtatapos ng alkalde.
HAZEL HEDI - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment