Ibinunyag ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Undersecretary Gilbert Cruz ang nadiskubre nilang "POGO boss" na tinawag niyang Jason Bourne ng scam hub na sinalakay sa Bamban, Tarlac.
Sa panayam ni Karen Jimeno sa programang "At The Forefront" ng Bilyonaryo News Channel, ibinahagi ni Cruz na tinawag nilang Jason Bourne ang naturang Chinese national base sa mga nasamsam nilang dokumento sa sinalakay na POGO hub sa Bamban.
"We have this Chinese guy na…actually it's part of the incorporation papers na nakita namin sa POGO hub sa Bamban. Dun sa incorporation paper may lumabas na pangalan…si Huang Xiang," sabi ni Cruz.
Sa isinagawang background check kay Huang Xiang, nakita nila na mayroon itong limang pasaporte.
"So sabi nga namin `Wow this is the Jason Bourne version of the POGOs'. Same pictures, different names, different nationality (sa passport)," ayon kay Cruz.
State-of-the-art hospital sa Pasay
Ibinunyag pa ni Cruz ang kanilang nadiskubre na ospital sa sinalakay na gusali sa Pasay City.
May dalawang palapag ang ospital na inakala nilang clinic lang.
"But it was a hospital. With sophisticated state-of-the-art medical equipment, they have laboratory, they have dialysis machines, they have cosmetic surgery machines, they have hair transplant machines," ani Cruz.
Tinawag ni Cruz na "underground hospital" ang sinalakay na gusali sa Pasay para sa mga sangkot sa POGO.
"In this case kung ikaw wanted from other countries, and nakipagbarilan ka, and you want to be treated na walang record this is the hospital. I call it the underground hospital," aniya.
Nabatid na walang permit ang nasabing ospital at maging ang nadatnan nilang mga dayuhang manggagamot dito na kinabibilangan ng isang Chinese doctor, isang Chinese pharmacist at Vietnamese nurse.
ANGHEL MIDRERO - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment