Inatasan ng Bureau of Immigration (BI) ang mga dayuhang manggagawa ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na mag-downgrade na ng kanilang visa, boluntaryong i-surrender ang kanilang status at umalis na ng bansa.
Ito ang payo ni BI Spokesperson Dana Sandoval sa bagong Pilipinas public briefing kasunod ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-ban na ang operasyon ng lahat ng POGO sa bansa.
Ayon kay Sandoval, bagamat binigyan ng hanggang Disyembre ang mga POGO para unti-unting magsara, kailangan na dalawang buwan bago matapos ang taon ay makaalis na ang lahat ng dayuhang POGO workers sa Pilipinas.
"Kinakailangan mag-downgrade din ang mga foreign nationals who used to work for these companies. Sila bilang company representatives ay kinakailangan mag-file sa Bureau of Immigration at mag-downgrade ng kanilang via, i-surrender ang iyong mga status at umalis ng bansa," ani Sandoval.
Sakaling nag-asawa ng Pilipino ang mga dayuhang POGO workers, kailangan pa ring umalis ang mga ito ng bansa dahil hindi maaaring i-convert ang kanilang visa status.
"Hindi sila maaaring mag-convert to any type of visas. We have no room for adjustments, they would have to leave the country," dagdag ni Sandoval.
Mayroong 60 araw na palugit ang BI para umalis ng bansa ang mga POGO worker at mga nagpapatakbo ng kompanya sa sandaling tuluyan ng nagsara ang mga ito.
Sinabi ni Sandoval na kapag nagmatigas ang mga dayuhang POGO worker na umalis ng Pilipinas hanggang sa ibinigay na palugit ay isasailalim ang mga ito sa deportation proceedings.
Sa katunayan aniya ay tumigil na ang BI sa pag-iisyu ng working visa at nakikipag-ugnayan na sila sa ibang ahensiya gaya ng Department of Foreign Affairs para maging iisa ang aksiyon laban sa pagbibigay ng visa sa mga dayuhang POGO worker.
ARVIN SORIANO (Ll.B) - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment