Natagpuan na ng pulisya ang mga labi ng nawawalang beauty queen na si Geneva Lopez at kanyang Israeli boyfriend sa Capas, Tarlac nitong Sabado, July 6.
Sa Facebook post ni Pampanga Governor Dennis Pineda, kinumpirmang natagpuan na ang bangkay ni Geneva at ng Israeli boyfriend nito na si Yitshak Cohen.
"Malungkot ko po na ibinabalita sa inyo na natagpuan na ang mga bangkay ng kabalen natin na si Geneva Lopez at ang kanyang kasintahan na si Yitshak Cohen sa isang lugar sa Sta. Lucia sa Capas, Tarlac pagkatapos silang mawala ng dalawang Linggo.
"Kinumpirma po ito ng pulis base sa kasuotan at gamit ng mga biktima," ayon sa post ng governor. "Ipagdasal po natin ang kanilang kaluluwa. Nakikiramay po ako sa mga pamilya. Patuloy po akong tutulong sa paghahanap ng hustisya para kay Geneva at Yitshak."
Natunton ang mga labi sa pamamagitan ng isang key witness na siyang nagbigay ng impormasyon sa mga awtoridad.
Nahukay ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang labi nina Geneva at Yitshak sa isang quarry site sa Barangay Sta. Lucia.
Nawala ang magkasintahan noong June 21. Patungo umano ang dalawa sa Capas, Tarlac dahil sa binibiling lupain.
Madaling araw ng Hunyo 22, natagpuan sa Barangay Cristo Rey sa Capas ang isang sunog na SUV na sinakyan ng magkasintahan.
Nabatid na ang Barangay Cristo Rey at Barangay Sta. Lucia kung saan ibinaon ang magkasintahan ay kapwa sakop ng Capas Tarlac at meron lamang 7 kilometro ang distansya.
Ayon pa sa ulat, tukoy na ng pulisya ang pitong katao na konektado sa kaso kabilang na ang middleman o tumayong ahente sa lupaing binibili nina Geneva at Yitshak.
Isinasailalim na sa awtopsiya ang mga labi upang makumpirma kung paano pinatay ang mga ito.
CALOY CARLOS - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment