Tinuldukan na ng mga awtoridad ang halos isang buwang paghahanap sa dinukot na 70-anyos na negosyanteng babaeng isinako at itinapon sa malalim na bangin sa Laguna nang matunton ng National Bureau of Investigation (NBI) ang bangkay nito kahapon.
Bago narekober ang bangkay ay sinuyod ng NBI-Homicide Section and Anti Organized Crime Division ang maulan, madamo at madilim na dumpsite para galugarin ang pinagtapunan sa biktima, ayon na rin sa pagkanta ng isa sa mga suspect.
"The victim who died of strangulation, was gagged in the mouth and her face was covered with duct tape," batay sa inisyal na report ng NBI sa isinagawang autopsy sa isang punerarya sa Laguna.
Ang babaeng biktima at ang kanyang anak ay inatake ng ilang kalalakihan noong hatinggabi ng Hunyo 10, di kalayuan sa kanilang bahay sa Quezon City, kung saan malapitang pinagbabaril ang anak habang tinangay ang ina nito.
"We started the intelligence gathering immediately it was reported to us and sadly, the search ended at the bottom of a deep ravine previously a dump site near a river," saad sa Bilyonaryonews ng isang agent na humiling na wag munang pangalanan.
"The sack with the decomposed body of the victim hit a rock which stopped it from going into the river, if that happened it would be almost impossible to be found," dagdag pa nito.
Napag-alaman na ilang oras matapos ang pagdukot, humirit umano ang mga suspek ng P5 milyong ransom sa pamilya ng negosyante para ipadala sa GCash na kalaunan ay napababa sa P450,000 dahil na rin sa limit sa GCash.
Nabatid na nagbigay ng 5:00 pm ultimatum sa nasabi ring araw ang mga suspek pero dahil sa kabiguang matubos ang bihag ay itinigil na ng mga kidnaper ang komunikasyon.
Sinabi ng mga imbestigador at kinumpirma ng isang suspek na ang negosyanteng babae ay sinakal at pinatay, isang araw pagkatapos ng pagdukot.
"We have to be fast so it was decided to kill her inside the vehicle and throw the body in a remote area in Laguna," pag-amin ng isa sa mga suspek sa Bilyonaryonews.
Lumalabas na unang natimbog ang isang Raymond David Reyes, 32, na kakalaya lang sa Bureau of Corrections noong Abril matapos masentensiyahan sa kasong robbery at nakulong ng 10 taon.
Noong Huwebes ng gabi, siya ay inaresto ng NBI composite team sa isang subdivision sa Imus, Cavite kung saan siya ay umuupa ng isang silid na may dalawang palapag na bahay.
Kasama niya ang kanyang asawa at 25-anyos na pamangkin na kamakailan lang ay nakalabas sa kulungan. Natagpuan sa minamaneho niyang sasakyan ang isang loaded handgun at mga ekstrang bala.
Biyernes naman ng hapon, isang empleyado ng BuCor na kinilalang si Pio Jonathan ang inaresto ng composite team sa parehong lugar.
Ang pagkakaaresto sa dalawang pangunahing suspek sa pagpatay at pagdukot sa mag-ina ay humantong sa Barangay Sta. Cruz, Talahiban, Bay Laguna kung saan narekober ang naaagnas nang bangkay ng babaeng negosyante.
Kapwa rin nila itinanggi na may `utak' sa krimen at inaming sila ang salarin.
Bukod sa mga baril at bala ay nakumpiska din sa mga suspek ang ilang sachet ng hinihinalang iligal na droga at mga ID na may iba't ibang pangalan.
ANGHEL MIDRERO - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment