Inamin ng isang pulis ang ginawa nitong pagtatanim ng ilegal na droga at baril sa isang suspek na napatay sa isang operasyon sa San Juan, Batangas.
Sa pagdinig ng House Committee on Public Order and Safety nitong Lunes, Hulyo 15, tinayuan ni Sergeant Michie Perez ng San Juan Municipal Police Station ang nauna nitong affidavit na lehitimo ang buy-bust operation laban kay Bryan Laresma, 33, noong Mayo 28.
Sinabi ni Perez na unang nagpaputok ng baril si Laresma at gumanti lamang siya. Umabot umano sa apat na gramo ng shabu ang narekober kay Laresma bukod pa sa isang paltik.
Matapos ang ilang oras na diskusyon, nagdesisyon ang komite na magpatawag ng executive session upang malayang makapagsalita ang apat na kasama ni Perez sa operasyon.
Sina Perez at Major Sergeant Juan Macaraig, na siyang nanguna sa operasyon, ay hindi isinali sa executive session.
Pagbalik ng komite sa pagdinig, nagtanong ang chairperson na si Laguna Rep. Dan Fernandez kung mayroong nais na sabihin sina Perez at Macaraig kaugnay ng kanilang mga naging pahayag.
Sinabi ni Abang Lingkod party-list Rep. Joseph Stephen Paduano na, "We have new stories coming from the four (police involved in the operation). Perez and Macaraig… do you want to execute a different affidavit or a new affidavit."
Ayon kina Perez at Macaraig, maglalabas sila ng bagong affidavit.
Tanong ni Fernandez, "Anong mali sa ginawa ninyo?"
"Sir sa lapses sir namin sa operation. Sa statement, re-ops, coordination sir," sabi ni Perez.
"So in other words `yung pagbigay mo ng pera at `yung nakuha mong basura (drugs) hindi totoo `yun? Kumbaga pagkalabas mo nabaril mo na agad `yung tao?" tanong ni Fernandez. "Is it part nung tinatanong namin na hindi nangyari `yung pagbili mo ng droga? Yes or no lang `yun."
Sumang-ayon naman dito si Perez.
Sumunod na tinanong ni Fernandez si Macaraig kung bakit ito magbabago ng affidavit at kung laman ng kanyang bagong affidavit ay wala talagang nangyaring buy-bust operation. Sumang-ayon dito si Macaraig.
"So sinong naglagay ng baril dun sa bridge kasama `yung shabu? Ikaw o si Michie?" tanong pa ni Fernandez.
Itinuro ni Macaraig si Perez.
Nagpasalamat si Fernandez sa mga miyembro ng komite at iba pang resource person na tumulong upang malaman umano ang totoong nangyari.
CALOY CARLOS - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment