Itinuturo na lider ng `kidney for sale' ang isang head nurse ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) matapos maaresto ang tatlo nitong kasabwat sa isinagawang operasyon ng National Bureau of Investigation-National Capital Region (NBI-NCR) sa Bulacan.
Kinilalala ni NBI Director Jimmy Santiago, ang lider na head nurse ng NKTI na si Allan Ligaya, na patuloy na tinutugis ng NBI matapos siyang ikanta ng tatlong naarestong sina Angela Atayde, Marichu Lumibao at Dannel Sicat,
Sinabi ni Santiago na nakatanggap ng reklamo ang NBI-NCR kaugnay sa mga indibiduwal na sangkot sa kidney organ trafficking kung saan binibili ang kidney sa halagang P200,000.
Ang mga suspek umano ang nagre-recruit at nagsasaayos nang paglilipat ng kidney sa kanilang kliyente kapalit ng pera.
Dumadaan umano sa proseso ang mga nare-recruit, ipinakikilala sa mga recipients at kapag nag-match ay saka isasailalim sa medical procedures at ibibigay ang down payment.
Dinadala umano sa isang bahay sa Brgy. Tungkong Mangga, SJDM, ang mga biktima at doon isasailalim sa proseso hanggang sa mailipat na ang kidney.
Sa operasyon noong Hulyo 11, 2024 sinabi ni Santiago na 9 na biktima ang nasagip.
Isinailalim naman sa inquest proceedings ang mga naaresto na sinampahan ng kasong paglabag sa Section 4 (h) of RA No. 11862 (Expanded Anti Human Trafficking Act).
ANGHEL MIDRERO - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment