Inihayag ng lokal na pamahalaan ng Pasay ang implementasyon sa pagpapatupad ng pagsasara ng ilang kalsada sa lungsod kaugnay ng nakatakdang bar examinations na gaganapin sa Manila Adventist Church sa darating na Setyembre 8, 11, at 15.
Sinabi ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na ang lahat ng kalsadang nakapaligid sa Manila Adventist Church mula sa kahabaan ng San Juan at kanto ng Donada at Leveriza Streets ay isasara sa mga motorista mula alas-3 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi sa mga nabanggit na petsa.
Bukod pa sa pagsasara ng mga nabanggit na kalsada ay ipatutupad din ang 24-hour liquor ban sa Setyembre 7, 10, at 14 mula ng alas-10 ng gabi na magtatagal hanggang sa kinabukasan ng nakatakdang pagsusulit.
Dagdag pa ni Calixto-Rubiano, ang mga establisimiyento kabilang ang mga eskwelahan na pasok sa 500 metro ang layo sa Manila Adventist Church ay mananatiling sarado at hindi maaaring magbenta ng anumang nakalalasing na inumin o alak.
Ang mga ginagawang kalsada, sabi pa ni Calixto-Rubiano, ay pansamantala ring sususpendihin ng hatinggabi bago maganapa ng naturang eksaminasyon.
Kasabay nito ay magtatalaga rin ang lokal na pamahalaan ng ilang traffic enforcers sa mga lugar na isasarang kalsada upang pansamantalang hindi makapasok sa lugar ang mga motorista maliban na lamang ang mga residente na nakatira doon.
Pinayuhan din ni Calixto-Rubiano ang mga motorista na iwasan ang mga nabanggit na lugar at humanap na lamang muna ng alternative route patungo sa kani-kanilang mga destinasyon.
HAZEL HEDI - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment