Pinatutsadahan ni House Committee on Human Rights chairperson at Manila Rep. Bienvenido Abante Jr. si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ginagawa nitong pagtatanggol sa karapatan ng kanyang kaibigan na si Pastor Apollo Quiboloy, founder ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
"It is ironic that today former President Rodrigo Duterte is speaking out in defense of the rights of his friend, when he attached very little value to human rights during his administration's war on illegal drugs," sabi ni Abante.
Binatikos ni Duterte ang pagpasok ng mga pulis sa KOJC compound upang isilbi ang arrest warrant kay Quiboloy na pinaniniwalaang nagtatago sa lugar. Si Quiboloy ay nahaharap sa mga kasong kriminal at naglabas ng arrest warrant ang korte laban sa kanya.
Iginiit ni Duterte na dapat nirerespeto ang karapatan ng bawat Pilipino maging pastor man ito o hindi.
"Perhaps if the former president had emphasized the importance of human rights during his administration, then we would not have to investigate the thousands of extrajudicial killings that occurred during his presidency's war on drugs," sabi ni Abante.
Noong Abril, naglabas ang Davao Regional Trial Court Branch 12-Family Court ng utos upang arestuhin si Quiboloy at limang iba pa na nahaharap sa kasong child abuse at sexual abuse. Sa parehong buwan ay naglabas naman ang Regional Trial Court ng Pasig City ng arrest warrant laban kay Quiboloy sa kasong qualified human trafficking, isang non-bailable offense.
Samantala, kinondena ng mga miyembro ng tinaguriang "Young Guns" ng Kamara de Representantes ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na isa umanong pagtatangka na ilihis ang isyu kaugnay ng mga kasong kinakaharap ni Quiboloy na wanted sa iba't ibang kaso.
Ayon kay House Assistant Majority Leader at Zambales Rep. Jay Khonghun ang totoong isyu ay ang pagtatago ni Quiboloy kaya pinaghahanap ito ng pulisya upang harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya.
Sa isang pahayag, humingi ng paumanhin si Duterte sa KOJC dahil kinumbinsi umano niya ang mga ito na iboto si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. noong 2022 elections.
Sinabi naman ni House Assistant Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega V na nakakalungkot na tinatangka ni Duterte na ilihis ang isyu.
Iginiit ni Ortega na ipinatutupad lamang ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang isang lehitimong utos ng korte— na arestuhin si Quiboloy.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment