Inalerto na ang iba't ibang mga awtoridad sa mga bansa sa Southeast Asia na maging mapagmatyag sa presensya ni dating Bamban Mayor Alice Guo, na lumayas ng Pilipinas kasabay ng imbestigasyon sa kanyang kaugnayan sa illegal gambling syndicates sa bansa, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian nitong Lunes, Agosto 26.
Si Guo ay huling nakita sa bansa noong Hulyo, na pinaniniwalaang tumakas sa isang resort sa pamamagitan ng speedboat.
Ngayong buwan, kinumpirma ng mga awtoridad na nakita si Guo sa tatlong iba't ibang bansa sa Southeast Asia, na ang pinakahuli ay sa Indonesia.
"Kanina yung mga ASEAN ambassadors nakausap ko at sabi nila nakaalerto na din ang kanilang mga otoridad so mahihirapan siya makagalaw sa ASEAN," ani Gatchalian.
"Tingin ko mahuhuli siya sa Indonesia," aniya.
Noong nakaraang linggo, naaresto sa Batam, Indonesia ang kapatid ni Guo na si Shiela at ang kanilang kasamang si Cassandra Li Ong na nagrerepresenta sa ni-raid na Lucky South 99 gambling hub sa Pampanga.
Lumipad ang mga ito pabalik ng Pilipinas na inaasahang haharap sa pagdinig ng Kongreso ngayong linggo.
"Wala na silang pupuntahan so mas maganda pang sabihin nila paano nabuo itong POGO hub sa Porac, paano nabuo itong POGO hub sa Bamban, paano nakapasok dito si Alice Guo at ang kaniyang pamilya," ani Gatchalian.
"Paano nila nakilala itong mga sindikato? Kasi obviously mga sindikato din ang nag puslit sa kanila palabas ng Pilipinas," dagdag pa niya.
"Maraming mga connections na dapat nila sabihin para maka-file ng magandang kaso ang gobyerno."
Titingnan pa ng Senado kung makikipagtulungan si Shiela Guo at ibubunyag ang modus at lawak ng illegal gambling operators sa bansa bago magdesisyon ang kapulungan kung isasama siya sa Witness Protection Program.
ATTY EDNA B. DEL MORAL
No comments:
Post a Comment