Inihahanda ng Department of Justice (DOJ) ang paghahain ng class suit laban sa mga may-ari ng tatlong tanker na lumubog sa Bataan sa kasagsagan ng Bagyong Carina at hanging habagat.
Sa ambush interview ng media nitong Biyernes, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang tatlong insidente ng oil spill ay 'interconnected'.
"We are not talking about an accident here. We are talking about a crime, a crime was committed against our people and our environment," pagsisiwalat ni Remulla matapos ang pulong ng Oil Spill Inter-Agency Committee na dinaluhan din nina Philippine Coast Guard (PCG) commandant Admiral Ronnie Gavan at Cavite Gov. Jonvic Remulla nitong Biyernes.
"We're looking into the angle of a class suit already, filed by the fishermen against the owners and others… Ano lang ito, tuloy-tuloy ang demandahan dito kasi may nakita kami talagang crime dito na ginawa," dugtong pa niya.
Noong Hulyo 25, lumubog ang MT Terranova sa karagatan malapit sa Bataan na may kargang 1.4 milyong litro ng langis. Ang tumagas na langis ay umabot na ngayon sa dalampasigan ng Cavite, Bulacan at baybayin sa Metro Manila.
Makalipas ang dalawang araw, lumubog naman ang MTKR Jason Bradley, na may kargang 5,500 litro ng diesel fuel, sa mababaw na bahagi ng dagat sa Mari¬veles, Bataan.
Sumadsad naman sa dalampasigan ang inabandonang MV Mirola 1 pero bago pa kumalat ang langis dito ay mano-mano itong hinakot ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG).
Nagbabala naman si Governor Remulla na ma¬lulugi ang Cavite ng P1 bilyon kung ipatutupad ang fishing ban sa loob ng tatlong buwan.
"You're talking about losses of something like P12 million a day sa mga fisherfolk natin. Kung three months ang ban ng BFAR sa fishing, aabot kami ng P1 billion in loss para sa Cavite lang," wika ng gobernador.
ARVIN SORIANO (Ll.B) - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment