Nasa "hot water" ngayon ang isang konsehal ng Davao City kaugnay ng pagkakadawit dito sa bulto ng drug shipment sa bansa.
Ayon kay Surigao del Sur 2nd District Rep. Johnny Pimentel, miyembro ng Quad Comm, o ang apat na pinagsanib na komite ng Kamara na nag-iimbestiga sa POGOs (Philippine Offshore Gaming Operators), drug smuggling at extrajudicial killings (EJKs) kaugnay ng posibleng kaugnayan nito sa madugong giyera sa droga ng nakalipas na administrasyon.
Sinabi ni Pimentel, naniniwala siya na dapat mahukay pa ng mga mambabatas kung gaano kalalim ang pagkakasangkot ni Davao City First District Councilor Nilo " Small" Abellara Jr. sa malawakang pagpupuslit umano ng droga na ipinadadaan sa Manila International Container Port (MICP).
Aniya, naniniwala siya sa testimonya ni dating Customs Officer Jimmy Guban na si Abellara ay business partner ni Michael Yang, dating Presidential Adviser on Economic Affairs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
"I know councilor Small Abellera is very close to the personalities mentioned. It is important to invite him in the next hearing," punto ni Pimentel.
Sa kaniyang testimonya noong Biyernes ay idinawit ni Guban sina Atty. Manases "Mans " Carpio, mister ni Vice President Sara Duterte, Davao City 1st District Rep. Paolo "Pulong " Duterte at Yang sa smuggling ng P11-bilyong shabu na itinago sa magnetic lifter at nadiskubre sa MICP noong 2018.
Si Abellara ay itinurong kasabwat at taga-ayos umano ng mga illegal na kontrabando na kinabibilangan ng asukal, bigas at gulay na sinisingitan ng droga na pinalulusot sa Bureau of Customs (BOC) na nakapangalan naman sa Vecaba Trading na hindi accredited importer.
CALOY CARLOS - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment