Kabilang ang Pilipinas sa pinangalanan ng United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC) bilang isa sa pinakamalaking scamming hubs sa Southeast Asia dahil sa mga ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Ito ang inihayag ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) spokesman Winston Casio sa isang weekend forum kaugnay sa patuloy na operasyon ng mga illegal POGO sa bansa.
Ayon kay Casio, ito ang isa sa dahilan kaya ipinagbawal na ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang mga POGO sa Pilipinas dahil sa masamang imaheng ibinigay nito sa bansa sa international community.
Kasama aniya ang pamilya ng sinibak na Bamban, Tarlac mayor na si Alice Guo sa UNODC report ng mga personalidad at organisasyon na lumutang sa mga imbestigasyon kaya inatasan sila ni Executive Secretary Lucas Bersamin na magsagawa pa ng malalim na pag-iimbestiga.
"The Executive Secretary wants us to dig deep into all of these kasi ang Pilipinas ay very infamous when it comes to these scamming activities. Na-mention tayo sa UNODC report bilang isa sa pinakamalaking scamming hubs dito sa Southeast Asia," ani Casio.
Aminado si Casio na malawak ang network ng mga sindikato sa POGO kaya halos wala na aniya silang tulog kasama ang Department of Justice para labanan ang malaking problemang ito sa bansa.
Nakatutok ang UNODC sa kampanya laban sa ilegal na droga at international crime gayundin ang pagtugis sa mga nasa likod ng human trafficking.
FAITH N. DINGLASAN - GLOBAL NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment