Pwede nang ipambayad ang mga Guarantee Letters (GLs) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pagbili ng kanilang gamot sa mga pribadong drugstores.
Ayon kay Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera, inaprubahan ng DSWD ang kanyang panukala na tanggapin ang mga GLs bilang pambayad ng mga mahihirap nating kababayan sa pagbili ng kanilang gamot sa mga botika.
Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations sa budget ng DSWD, kinumpirma ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na bilang tugon sa panawagan ng Bagong Henerasyon partylist solon, pumasok sa isang kasunduan ang ahensya sa iba't ibang pribadong drugstores sa bansa na nagbibigay-daan sa pagpayag sa pagtanggap sa GLs bilang pambayad sa mga bibilhing gamot ng mga Pilipino.
Ilan sa mga lumagda sa kasunduan ay ang Rose Pharmacy, South Star, at The Generics Pharmacy.
Patuloy silang nakikipag-usap sa pharmaceutical retail giant na Mercury Drug na mapabilang sa programang ito.
Ayon kay Herrera, malaking tulong ang partnerships na ito sa mahihirap na pasyente sapagkat nagagamit nila ang guarantee letters mula sa DSWD upang makabili ng prescription medicines.
Matatandaan na iginapang ni Herrera ang pag-apruba sa polisiyang ito upang aniya'y matugunan ang mga pangangailangang medikal ng indigent patients na walang kakayahang gumastos para sa pagbili ng kanilang gamot.
"Nagagalak tayo dahil nalaman nating gumawa ng napakalaking hakbang ang DSWD para maisakatuparan ang ating panukala," ani Herrera.
"Malaking tulong at benepisyo talaga ito para sa mga kababayan nating indigent. Sila kasi yung talagang hirap na hirap na maghanap ng perang pambili ng gamot. Ito pong adbokasiyang ito, matagal na panahon na nating itinutulak – noon pang tayo ay konsehal pa lang ng Quezon City. Kaya't masayang-masaya ako na nagbunga rin sa wakas ang pinaghirapan nating isulong," dagdag pa ng kongresista.
Lubos ding ipinagpasalamat ng mambabatas na sakop na rin ng guarantee letters ng DSWD ang therapy at iba pang medical interventions para sa mga batang may special needs. Mababatid na may panukala rin si Herrera na makatanggap din ng nauukol na medical support ang vulnerable children na walang kakayahang pananalapi.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment