Nanindigan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na dapat lang na pagkalooban ng proteksiyon ang mga bata laban sa mga pang-aabusong pisikal at sekswal.
Hindi mananahimik ang ahensiya sa gitna ng mga seryosong akusasyon laban kay Apollo Quibuloy na nahaharap ngayon sa mga kaso ng human trafficking, sexual exploitation at pang-aabuso sa mga menor de edad lalo na't hindi kayang proteksiyunan ng mga bata ang kanilang sarili.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, pala¬ging sinasabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na labis siyang naaapek¬tuhan sa kinakaharap na pagdurusa ng mga inosente at paulit-ulit ding binabanggit na wala nang iba pang mas masakit kundi makita ang mga batang dumaranas ng pagdurusa, pasakit at walang nakikitang pag-asa sa buhay na kanila ring nadarama upang bigyang pansin ng ahensiya ang mga ganitong uri ng sitwasyon.
Sa paniwala ng DSWD, nakadaragdag pa ng sakit ng damdamin kung ang isang kilalang politiko tulad ni Vice President Sara Duterte, na dapat sana'y maging kampeon sa paghahanap ng katarungan sa mga batang inaabuso at magtanggol sa mga mahihina ang siya pang nagsisilbing nagtatanggol at pumapanig sa mga inaakusahan ng nakakagimbal na krimen.
Sabi ng DSWD, hindi raw dapat kalimutan na sa ganitong pagkakataon, ang mga bata, magulang at kanilang pamilya ang tunay na nagdurusa sa kanilang kinakaharap na sitwasyon.
Dahil dito, naninindigan ang DSWD sa kapakanan ng mga biktima at nangakong matiyak na maibibigay ang wastong katarungan sa mga naaapi, at marinig ang kanilang tinig.
Nanawagan din ang ahensiya sa bise presidente at sa iba pang mga lider na makiisa sa pagkakaloob ng proteksiyon sa bawat batang Pilipino at suportahan ang proseso ng katarungan na kasalukuyang umiiral upang maihatid sa hukuman ang may kagagawan.
Nais din ng DSWD na lahat ng mga namununo at mamamayan ay sumuporta sa legal na proseso sa paghahanap ng hustisya ng mga inosenteng biktima at maparusahan kung sino ang may sala.
Naninindigan ang ahensiya sa pangako ng Pangulong Marcos, Jr. na lumikha ng magandang kinabukasan para sa mga batang mamamayang Pilipino at walang maiiwang mag-isa na magdurusa.
ARVIN SORIANO (Ll.B) - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment