Ang "Bagong Pilipinas" ni Marcos Jr. ay serye ng mga bagong pangakong muli na naman niyang ipapako.
Sa pagtungtong ng ikatlong taong pamumuno ng administrasyong Marcos Jr., walang natanggap ang taumbayan kundi pahirap at pagsasawalang-bahala mula sa kaniya. Hitik sa kapalpakan ang rehimeng Marcos Jr. kahit pa para sa kaniya ay bumubuti ang kalagayan ng bansa, lalo na ng ekonomiya. Ngunit, sa mga datos mula sa iba't-ibang sektor, lumilitaw na walang ibang ginawa ang administrasyon ni Marcos Jr. bukod sa gumanansya ang kanilang pamilya, at ang mga mayayamang mas lalo pang yumayaman habang hinahayaang bumulusok ang ekonomiya ng bansa at maghirap ang milyon-milyong Pilipino.
Kibit balikat sa Agrikultura
Magmula nang ipinangako ni Marcos Jr. ang 20 pesos na bigas, hindi pa rin natatapos ang mga batayang problema ng sektor ng agrikultura, partikular sa mga magsasaka. Hanggang ngayon, patuloy pa rin ang pag-iral ng Rice Tariffication Law o Republic Act 11203 na lalo lamang pinasisidhi ng mga pro-import na mga batas ni Marcos Jr. Ayon mismo sa US Department of Agriculture, aabot ng 4.7 milyong metrikong tonelada ang tinatayang import na bigas ng Pilipinas sa US matapos babaan ng administrasyon ang taripa ng bigas mula 35% papuntang 15% sa pamamagitan ng Executive Order No. 62 s. 2024 na ipinasa ngayong Hunyo.
Patuloy rin ang huwad na reporma sa lupa sa pamamagitan ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) na nananatiling hindi sapat sa pagtugon ng kakulangan ng lupang sakahan na pagmamayari ng mga magsasaka ng Pilipinas. Nasasapatan ang gobyerno sa mga band-aid solutions tulad ng Executive Order No. 75 s. 2019 na naglalayong kamkamin ang mga lupang 'suitable for agriculture' upang ipamahagi sa ilalim ng batayan ng CARP. Pinapaigting lamang ng mga batas tulad nito ang unequal land distribution sa bansa.
Dulot ng mga umaalingasaw na problema ng sektor, ayon sa IBON Foundation, nasa kakarampot na 8.6% na lamang ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa ang pinupunan ng agrikultura. Patuloy ring lumiilit ang bilang ng mga magsasaka sa bansa. Ayon pa sa IBON, 23.2% o 11.2 milyon na lamang ang natitirang empleyo ng agrikultura.
Bangkaroteng sektor ng Manggagawa
Sa lumalalang ekonomikong krisis panlipunan, tagos sa kalamnan ng bawat manggagawang Pilipino ang dagok ng araw-araw na pagtaas ng mga bilihin. Sa kabila ng sunod-sunod na mga pagkilos tungkol sa nakabubuhay na sahod, dalawang beses lamang ito tumaas sa kakarampot na halaga.
Una itong tumaas noong July 16, 2023 kung saan nadagdagan ng P40 ang minimum wage ng National Capital Region (NCR), mula P570, aabot na ito ng P610. July 1, 2024 naman nang muling tumaas ang umento sa halagang P35. Mahalagang iturol na NCR wage pa lamang ito at hindi pa kabilang ang ibang mga rehiyon na mayroong ibang pagkuwenta sa minimum wage.
Sa aktuwal na sahod na tinatamasa ng pamilya kasabay ng implasyon, dapat na tumatamasa ang mga manggagawa ng P1,190 na Family Living Wage (FLW).
Sa kabilang banda, hindi natatapos sa usapin ng pasahod ang problema ng mga manggagawa. Ayon din sa IBON, mayroong 7 milyong walang trabaho sa Pilipinas ngayon. Taliwas ito sa mas mababang mga numero na inilabas ng gobyerno dahil hindi nito isinasama ang mga 'discouraged workers' at unpaid family workers sa pagtatantos.
Kung mapapansin din sa mga nagdaang SONA ni Marcos Jr., tanging binibigyang pansin niya lamang ay mga Overseas Filipino Workers (OFW) ng bansa. Ito ay hindi dahil sa bukal niyang kalooban bagkus, hinuha ito ng pabagsak nating ekonomiya katulad ng rehimen ni Marcos Sr.. Tinatalang mayroong 2.33 milyong migrant workers mula sa Pilipinas noong 2023.
Bagsak na ekonomiya ng bansa
Mula pa lamang sa unang State of the Nation's Address (SONA) ni Marcos Jr. noong 2022, bukambibig na niya ang prayoridad ng pagpapataas ng ekonomiya ng bansa, ngunit sa kasalukuyan, makikita ang pagbagsak nito mula sa mga nagtataasang presyo ng bilihin at bayarin, pagbagal ng produksiyon, lumalaking utang at depisito sa kalakalan, at maging sa pagdami ng bilang ng mga walang trabaho, na kung saan ang tanging solusyon ni Marcos Jr. ay ang pagpasa ng Charter Change.
Malabo rin ang kagustuhan ng rehimeng Marcos Jr. na "trillion-dollar economy" sa 2033 dahil kinakailangan na lumago nang 9.6% taon-taon ang GDP ng bansa ngunit kung susuriin ay mabagal ang paglago ng GDP sa unang kuwarto ng 2024 na may 5.7% na paglago, at tinataya naman na 6-7% lamang ang paglago ng GDP sa buong taon samantalang 6.5%-7.5% naman sa 2025 batay sa Development Budget Coordination Committee (DBCC). Nasa 5.8-6.5% naman ang taya ng International Monetary Fund (IMF), World Bank, Asian Development Bank (ADB), at ASEAN+3 Macroeconomic Research Office sa 2024 at 2025.
Nitong Mayo 2024, umaabot na sa ₱15.3 trilyon ang utang ng Pilipinas kung saan ay nasa ₱111 bilyon ang buwanang average na pagtaas sa debt stock o kabuuang utang ng pambansang gobyerno, dahilan upang magkaroon ng utang na ₱558,114 ang bawat pamilyang Pilipino o hindi kaya ay utang na ₱136,543 bawat isa sa 112.4 milyong populasyon sa bansa.
Nitong Abril 2024, umaabot ng 7 milyon ang walang trabaho sa bansa, kabilang na ang 1.9 milyong 'discouraged workers', at 3.1 milyong unpaid family worker. Nasa 20 milyon o 41.1% naman ang lantarang impormal o self-employed, 7 milyon din ang underemployed, at may malaking bahagdan din ang mga part-timers.
Samantalang sa survey ng Social Weather Station (SWS) nitong Marso 2024, nasa 76% o 21.3 milyong pamilya ang patuloy na naghihirap sa ilalim ni Marcos Jr. dahilan upang lumaki rin ang tantos ng mga pamilyang gutom mula 12.6% noong Disyembre 2023 tungong 14.2%. Ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA), ang napakababang linya ng kahirapan ay nasa ₱91 kada tao sa bawat araw o ₱13,797 kada buwan para sa isang pamilyang may limang miyembro ngunit sa datos ng IBON, nasa ₱9,614 kada buwan lamang ang minimum na sahod kesa rito.
Education sa ilalim ng pamahalaang Marcos Jr. – Duterte
Patuloy rin ang pagpapanawagan ng sektor ng kabataang estudyante para sa libre, de-kalidad, at aksesableng edukasyon. Ngunit, sa gitna ng krisis sa edukasyon, dismayado, maging ang kaguruan, sa mga nagdaang SONA ni Marcos Jr. sapagkat wala anilang plano ang pangulo hinggil sa pagresolba ng nasabing isyu. Sa katanunayan pa, ayon sa datos ng World Bank, pumapalo sa 91% ang learning poverty ng bansa.
Sa datos naman na naitala nitong nakaraang taon ng Department of Education (DepEd), umabot sa 165,444 ang kulang na mga klasrum sa mga pampublikong paaralan, samantala, 189,324 naman na mga buildings ang kinakailangan ng major at minor repair. Sa bilang na ito, 2,201 na mga klasrum lamang ang naipatayo ng DepEd noong 2023.
Patuloy ring nakararanas ng kakulangan sa pondo ang mga State Universities and Colleges (SUCs) taon-taon. Ang Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) ay nakatanggap lamang ng badyet ngayong taon na P2.9 bilyon, higit na mababa sa panukalang P6.9 bilyon ng unibersidad. Sa inisyal na datos ng Kabataan Patylist, 30 mga SUCs ang nakatanggap ng panukalang pondong higit na mas mabababa sa nakaraang taon.
Gayundin, patuloy rin ang pag-alma ng mga mag-aaral sa mga polisiyang inihahain ng administrasyon, kabilang ang mandatory Reserved Officers' Training Corps (ROTC) na iniraratsada sa pakete ng nasyonalismo at pagtatanggol sa Pilipinas sa gitna ng umiigting na giriian sa West Philippine Sea. Anang mga mag-aaral, magiging kuta lamang ito ng militarisasyon, blind obedience, at impunidad.
Mariin din ang ipinahayag na pagtutol ng komunidad ng PUP sa mga probisyon ng panukalang National Polytechnic University (NPU) na magpapalala sa komersyalisasyon at pribatisasyon ng mga batayang serbisyo sa pamantasan, kagaya ng pagkain at other school fees.
Sa kabilang banda, ipinahayag din ni Marcos Jr. ang plano sa pagrepaso ng administrasyon nito sa K-12. Kamakailan lamang ay kaniyang sinabi na dapat pagtuunan ang pagsasaayos sa employability ng mga mag-aaral sa ilalim ng K-12.
Mababanaag din ang pagkiling ni Marcos Jr. sa dayuhang interes mula sa plano nitong iprayoritisa ang paggamit ng wikang Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa dahilang ito ang kagustuhan ng mga dayuhang employer sa mga Pilipino.
Ngunit, anang Alliance of Concerned Teachers Partylist, ang pagsasaayos sa sistema ng edukasyon ay dapat nakatuon sa pambansang kaunlaran ng bansa at pagtulong sa pagsusulong ng pambansang industriya.
Sa laban ng ari
Sa mga nagdaang SONA ni Marcos Jr., litaw rin ang kakulangan sa representasyon ng sektor ng kababaihan. Bagama't makailang beses binabanggit ng pangulo ang plano nitong tugunan ang mga suliranin ng kababaihan, taliwas ang nangyayari mula sa isinasalaysay ng mismong sektor.
Noong 2022, 24,635 ang naitalang kaso kaakibat ng violence against women and children (VAWC). Gayundin, sa isinagawang State of the Women Address ng grupong Gabriela, inilahad ng mga kinatawan nito ang danas ng kababaihan mula sa iba't ibang lugar sa Pilipinas. Kabilang dito ang kanilang hinaing hinggil sa malawakang kahirapan, kawalang akses sa batayang serbisyo, kawalan ng trabaho, at karahasan.
Ayon sa sarbey ng Labor Force noong Mayo 2023, higit sa 21.143 milyong kababaihan ang "economically insecure." 996,000 ang underemployed, 1.899 milyon ang mababa ang sahod, at 18.248 milyon ang wala sa labor force.
Nariyan din ang kaso ng pamamasismo ng estado sa kababaihan. Ayon sa datos ng Center for Women's Resources, 23 kababaihan ang naging politikal na bilanggo sa loob ng dalawang taon sa panunungkulan ni Marcos Jr. Simula Hulyo 2022 hanggang Hulyo 2023, 8 kababaihan ang biktima ng extrajudicial killings.
Gayundin, ikinadismaya ng mga kasapi ng komunidad ng LGBTQIA+ ang pagsasawalang-bahala ng pangulo sa komunidad sa mga nagdaan nitong SONA.
Kasalukuyan pa ring nakabinbin ang Sexual Orientation, Gender Identity, Sex Characteristics, and Expression (SOGIESC) bill sa kongreso, kahit pa anang mga tagapagsulong, hinog na ang mga rason para sa pagsasabatas nito. Matapos ang humigit-kumulang dalawang taong pag-urong-sulong ng panukala, muli itong isinalang sa plenaryo ng mababang kapulungan.
Lumolobong bilang ng human rights violation
Sa loob ng dalawang taong pamumuno ng administrasyong Marcos Jr., sunod-sunod na kaso na ng paglabag sa karapatang pantao ang naitala. Sa datos ng Karapatan mula Hulyo 2022 hanggang Hunyo 2024, tinatayang may 105 na ang naging kaso ng extrajudicial killings, 12 na biktima ng enforced disappearances, 145 ng ilegal at arbitraryong pag-aresto, 44,065 ng pambobomba, 63,379 ng indiscriminate firing, 42,426 ng sapilitang paglikas, 558 ng sapilitang pagsuko, at 3,419,044 naman ang naging biktima ng mga banta, panggigipit, at pananakot—kabilang na ang red-tagging.
Sa 755 na political prisoners sa bansa, umaabot sa 103 ang naaresto at nakulong sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr., 102 dito ay mga matatanda, 15 ay miyembro at konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), at 90 ang may sakit. Dagdag pa rito ay may 147 na babaeng political prisoners at 4 sa kanila ay mga menor de edad.
Ayon din sa KARAPATAN, hindi bababa sa 112 na aktibista at human rights defenders ang kumakaharap sa iba't ibang gawa-gawang kaso sa ilalim ng Anti-Terrorism Law (ATL) at Terrorist Financing Prevention and Suppression Act (TFPSA).
Samantalang sa datos ng Ang Bayan, may 15,396 na sapilitang pagbabakwit at dislokasyon, 34 na pagpaslang, 46 na pananakit, 30 na pagdukot, 19 na tortyur, 449 na pamimilit, 10 tangkang pagpaslang, 62 na pag-aresto at detensyon, 6,889 na pagbabanta, panggigiit at intimidasyon, 651 na bilanggo na kaso, at 48,672 bilang ng biktama ng human rights violation ang naitala kung saan ay may tatlong kaso kada araw ang naitatala mula Disyembre 2023 hanggang Hunyo 2024.
Sa kasalukuyan, nito lamang Hulyo 10 ay namartir sa isang armadong engkwentro sa 59th Infantry Batallion ng Philippine Army (IBPA) sina Jian Markus "Ka Reb" Tayco at Royce Jethro "Ka Alex" Magtira ng Southern Tagalog (ST) noong Hunyo 23 sa Tuy , Batangas, at pagkaraan ng tatlong araw, isa pang 10 Red fighters at mandirigma ang bumagsak sa isang depensibong labanan sa 84th IBPA sa Pantabangan, Nueva Ecija, kung kaya't itinatala na 13 rebolusyunaryo na ang namartir sa loob ng isang linggo.
Digmaang sibil ng Pilipinas
Habang patuloy ang armadong pakikibaka sa kanayunan, urong-sulong naman ang usaping-pangkapayapaan sa pagitan ng Government of the Republic of Philippines (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Matapos ang Oslo Joint Statement na pinirmahan ng magkabilang panig noong November 23, 2023, hanggang ngayon, hindi pa bumabalik ang gobyerno sa usapin.
Pangamba ng Council of Leaders for Peace Initiatives (CLPI) na nagpapanumbalik ang rehimen sa paggamit ng dahas sa kaniyang pagwasak sa rebolusyonaryong pwersa. "We are also alarmed that this militarist policy extends to civil society in its legitimate role to critique government policies and rightfully advocate for reforms," dagdag ng grupo.
Kung matatandaan, matagal naudlot ang usaping-pangkapayapaan sa naunang administrasyon ni Duterte pagkatapos nitong ideklara ang all-out war sa pamamagitan ng Whole-of-Nation approach.
Ngunit ang mabagal na pag-usad ng peace talks sa ilalim ng gobyerno ni Marcos Jr. ay hindi dulot ng pagtanaw nito ng pagkamit sa pambansang demokrasya. Bagkus, patuloy na lumalala ang indiscriminate bombing at firing, hindi pagtalima ng gobyerno sa rules of war at Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL). Ayon sa Karapatan-Central Luzon, nagpaulan ng bomba at bala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa iba't-ibang bahagi ng Aurora sa pamamagitan ng dalawang military helicopters nito lamang May 24, 2024.
Mula naman sa tala ng Project Gubat, lumalabas sa pinagsamang report ng GRP at NPA na nagkaroon ng 232 na sagupaan sa pagitan ng dalawang pwersa nitong 2023. 181 ang kumpirmadong namartir sa hanay ng armadong pwersa habang 224 naman ang kumpirmadong nabuwal mula sa reaksyunaryong pwersa.
Sa kabilang banda, nananatili naman ang posisyon ng NDFP na makipagnegosasyon sa GRP habang itinataguyod ang digmang bayan. Ayon sa Chief Information Officer ng Communist Party of the Philippines Marco Valbeuna, "Indeed, the CPP and the NDFP consider peace talks as an additional battlefield, albeit unarmed, alongside revolutionary armed struggle, to advance the people's national democratic cause, to assert across the negotiating table the people's demands: for genuine land reform and national industrialization, social justice and true democracy."
Malinaw sa mga datos na walang ibang napatunayan si Marcos Jr. kundi ay huwad niyang pangako na pag-angat ng buhay ng bawat Pilipino at paglago ng ekonomiya ng bansa kung kaya't hindi na dapat pa nagugulat ang bawat Pilipino sa mga susunod pang kapalpakan ng rehimeng Marcos Jr.
Kung kaya't sa katatapos lamang na SONA ng Bayan 2024 nitong Lunes, Hulyo 22, dala ng mamamayan ang nagkakaisang hinaing na hindi na kaya pang sagutin ni Marcos Jr. ang mga pangakong binitawan dulot ng kanilang panlilimos dito ng tugon sa kanilang basikong pangangailangan.
✍🏻 Carl Cagatin, Grace Villena, & Gerald Graciano
No comments:
Post a Comment