Tumatanggap umano ng P1 milyon payola kada linggo si retired Police Col. Royina Garma habang pinamumunuan ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Davao City.
Ito ang isiniwalat ni dating Cebu City Mayor Tommy Osmeña sa pagharap nito sa pagdinig ng quad committee kaugnay sa extrajudicial killing sa giyera kontra ilegal na droga ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Si Garma na kilalang malapit kay Duterte ay una nang isinangkot sa pagpatay sa tatlong Chinese drug lord sa loob ng Davao Prison and Penal Farm noong 2016.
Inimbitahan si Osmeña sa komite dahil nabanggit sa naunang pagdinig ng quad committee na mayroon silang personal na alitan ni Garma matapos na tutulan umano ng dating alkalde ang pagtalaga kay Garma bilang police chief sa Cebu.
Sa salaysay ni Osmeña, sinabi nitong hindi niya kilala si Garma at totoong hindi niya tinanggap ang paglipat nito sa Cebu City dahil na rin sa nakarating sa kanyang impormasyon sa naturang weekly payola.
"It (report) says that when Garma was head of CIDG she was collecting P1 million a week. I cannot accept this for Cebu City. And her bagman was a certain SPO4 Art," sabi ni Osmeña.
"Now it appears that SPO4 Art is not only a lover. She also brought this policeman with her when she was appointed to PCSO," dagdag pa nito.
Ayon kay Osmeña, sinabi rin sa kanya na si Garma ay itatalaga sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) bago pa man ito inanunsyo sa media.
Sinabi ni Osmeña na mayroon ding nagsabi sa kanya na ayaw sa kanya ni Duterte dahil sa babae at hindi dahil sa politika.
Itinalaga ni Duterte si Garma bilang PCSO general manager ilang araw matapos itong mag-early retirement sa Philippine National Police.
"I am very happy that this committee is giving us the opportunity to air these things which you could further investigate," sabi ni Osmeña.
Patunay din umano ng pagiging maimpluwensya ni Garma ang pagsuspendi kay Osmeña ng Office of the Ombudsman kaugnay ng kanyang pagtatanggol sa tatlong vendor na hina-harass ng pulis.
"Fortunately, the Ombudsman reversed its decision. The decision came out today. I am no longer suspended, I'm not even a mayor anymore," sabi ni Osmeña.
Sinabi naman ni Laguna Rep. Dan Fernandez na ang tinutukoy ni Osmeña na bagman ni Garma ay si SPO4 Arthur Narsolis.
Si Narsolis ang sinasabing nakipag-usap kina Leopoldo Tan Jr. at Andy Magdadaro upang patayin ang tatlong Chinese drug lords na nakakulong sa Davao Prison and Penal Farm (DPPF).
Isinangkot din si Garma sa pagpatay sa tatlong Chinese drug lords.
ATTY EDNA B. DEL MORAL
No comments:
Post a Comment