Hindi na umano papayagang maulit ang ginawa ni Vice President Sara Duterte na hindi manumpa na magsasabi ng totoo sa pagdinig, ayon kay House Committee on Good Government and Public Accountability chairperson at Manila Rep. Joel Chua.
Ayon kay Chua batay sa Rules ng Kamara de Representantes ang lahat ng testigo at resource person na inimbestigahan ay dapat manumpa na magsasabi ng pawang katotohanan sa pagdinig.
"Lahat ang witnesses at resource persons po ay nire-require po natin sila na mag-take ng oath para malaman po natin kung sila ay nagsasabi ng totoo at pawang katotohanan lamang," sabi ni Chua.
Ang tinutukoy ni Chua ay ang Rules of Procedure Governing Inquiries in Aid of Legislation kung saan ang mga inimbitahan sa pagdinig ay tatanungin ng "Do you solemnly swear to tell the truth, the whole truth, and nothing but the truth? So help you, God."
Sa pagdinig ng komite noong nakaraang linggo, tumanggi si Duterte na manumpa na magsasabi ng totoo. Iniimbestigahan ng komite ang umano'y maling paggamit nito ng confidential at socioeconomic funds.
Sinabi ni Chua na pinayagan ang ginawang ito ni Duterte bilang respeto sa kanyang tanggapan.
"Hindi po ibig sabihin na ito pong insidente dahil hinayaan po natin ay magiging precedent na sa mga susunod na mga committee hearings. Hindi po mangyayari yan," giit ni Chua.
"In fact, ito po ay isang ground para ang mga witnesses ay ma-cite for contempt. Pero dahil sa paggalang sa opisina ng ating bise-presidente, ito ay i-ooverlook po natin at palalagpasin po natin," paliwang pa nito.
Ang ginawa ni Duterte ay taliwas sa rules at tradisyon ng mga congressional inquiry.
Matatandaan na maging sina dating Pangulong Joseph Estrada, Fidel Ramos, at Benigno Simeon Aquino III ay nanumpa na masasabi ng totoo ng sila ay pumunta sa congressional inquiry.
ANGHEL MIDRERO - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment