Hanggang ngayon ay wala pa ring isinasampang kaso ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) laban kay Wesley Guo, sinasabing kapatid ng sinibak na Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Sinabi ni PAOCC spokesperson Winston John Casio na tanging sina Alice Guo at kapatid umano nitong sina Shiela at Seimen, at umano'y mga magulang na sina Lin Wen Yi at Angelito Guo, ang may nakabinbing mga kaso.
"Alam niyo si Wesley, wala pa hong naisasampang kaso diyan. Ang may kaso pa lamang ay si Shiela, si Alice, at saka si Siemen, at saka 'yung kanilang supposed magulang o tita, si Angelito Guo tatay ni Alice at si Lin Wen Yi, 'yung tita ni Shiela," ayon kay Casio.
Nauna rito, sinabi ng legal counsel ng mga Guo na si Atty. Stephen David na nais sumuko ni Wesley sa mga awtoridad kasunod ng pag-aresto kay Alice Guo sa Indonesia.
Gayunman, hindi naman alam ni Atty. David ang kinaroroonan ni Wesley.
Aniya, nagpadala lamang ng surrender feelers si Wesley sa ibang ahensya at hindi sa PAOCC.
"They have not sent feelers to us. Apparently, kasi mahigpit nga siguro kami. They have sent feelers to other agencies. Hayaan na lang nating mag-develop itong kwentong ito," aniya pa rin.
Kinumpirma naman ni Interior Secretary Benhur Abalos a nakikipagtulungan na ang mga awtoridad sa posibleng pagsuko ni Wesley Guo, sa katunayan may team na ang umanong humahawak sa bagay na ito.
Sinabi naman ng Bureau of Immigration (BI) na hinahanap na rin ng Indonesian authorities si Wesley upang kaagad na maipabalik sa Pilipinas.
IKE ENRIQUE - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment