Hinimok ng lokal na pamahalaan ng Quezon City nitong Sabado, Setyembre 7, ang mga residente ng lungsod a magsagawa ng pag-iingat laban sa mpox kasunod ng pagkakatala ng dalawa pang kaso.
Ayon sa pamahalaang lungsod, natukoy nito ang pangalawa at pangatlong kaso ng mpox sa lungsod noong Agosto 30 at Setyembre 5.
Kinumpirma ng Epidemiology and Surveillance Division (QCESD) ng lungsod na ang pangalawang kaso ay isang 29-anyos na lalaki, habang ang pangatlo ay isang 36-anyos na lalaki.
Kasalukuyang sumasailalim sa home isolation ang mga nasabing pasyente at kumukuha ng kinakailangang pangangalagang medikal.
Sinabi ng QCESD na ang 29 taong gulang na pasyente ay nagsimulang magpakita ng mga sintomas, kabilang ang isang sugat sa bibig noong Agosto 21 na humingi ng medikal na atensyon nang sumunod na araw.
Siya ay nasuri noong Agosto 28, at nakumpirma na siya ay positibo sa mpox noong Agosto 30.
Samantala, ang 36 taong gulang na lalaki, ay nakaranas ng lagnat noong Agosto 26 at nagkaroon ng pantal noong Agosto 27. Ipinadala ang kanyang specimen sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM), at siya ay nakumpirmang positibo noong Setyembre 5.
Hinimok ni City Mayor Joy Belmonte ang mga residente na gumawa ng preventive measures laban sa mpox.
"Hindi biro ang mpox. Malala ang epekto nito, lalo na sa mga taong mahina ang immune system kaya napakahalaga na tayo mismo ay mag-ingat para hindi makakuha ng virus, at hindi tayo makahawa pa. Ugaliin pa rin ang paghuhugas ng kamay, at lumayo sa mga taong nagpapakita ng sintomas ng mpox is no joke," ani Belmonte.
"Kung may sintomas kayo ng mpox, agad nang pumunta sa pinakamalapit na health center o ospital para magpatingin. Hindi namin kayo papabayaan at handang tumulong ang lokal na pamahalaan para sa inyong mabilis na pagpapagaling," anang QC mayor.
Binanggit din ni Belmonte na sinimulan na ng QCESD ang contact tracing at mahigpit na binabantayan ang mga indibidwal na na-expose sa mga pasyente.
Iniulat ng lungsod ang unang kaso nito dalawang linggo na ang nakararaan, isang 37 taong gulang na lalaki na kasalukuyang ginagamot at sumasailalim sa home quarantine.
Bilang tugon sa outbreak, itinatag ng lokal na pamahalaan ang kanilang QC Task Force MPOX sa ilalim ng Executive Order 14, Series of 2024.
ANGHEL MIDRERO - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment