Nahaharap sa maiinit na kontrobersya si Vice President Sara Duterte, mula sa paggastos ng kanyang tanggapan ng P125 milyon confidential funds sa loob ng 11 araw noong 2022, paghingi ng P10 milyon alokasyon para sa libro niyang 'Isang Kaibigan', at ang pagtanggi niyang idepensa ang panukalang mahigit P2-bilyon budget ng Office of the Vice President (OVP) sa 2025.
Napapansin narin ng publiko ang lumalalang hidwaan ng Bise Presidente at ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos, Jr., running mate niya noong 2022 Elections, matapos makibahagi ni VP Sara sa mga prayer rally laban sa Presidente at pagbibitiw niya mula sa Department of Education (DepEd).
Lantaran ding pinuna ni VP Sara ang diumano'y "gross abuse of police power" sa manhunt operation laban sa puganteng lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Apollo Quiboloy, na batay sa direktiba ng Pangulo sa Philippine National Police (PNP).
Bumanat din si VP Sara tungkol sa muling kumakalat na viral post na nagpapakita sa kanya kasama ang amang si dating Pangulo Rodrigo Duterte sa campaign float nina dating Pangulo Benigno 'Noynoy' Aquino III at dating vice presidential candidate Mar Roxas, kungsaan mariin niyang idinidiin na "black propaganda" lamang ito ng kanyang mga kalaban sa pulitika.
Nagbigay din siya ng maanghang na komento tungkol kay dating Pangulong Noynoy: "Of course we all know, there is something off with PNoy. Roxas is intelligent, PNoy among other things, is not," na lalo pang nagpalala ng hidwaan sa pagitan ng pamilya Duterte at Aquino.
Samantala, isa-isa na umanong nagkalasan ang mga kaalyado at supporters ni VP Sara matapos makitaan ito ng "masamang pag-uugali" sa mga nakaraang pagdinig sa Senado at Kamara.
ARVIN SORIANO (Ll.B) - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment