Isang police lieutenant colonel ang nag-ugnay kay dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma sa pagpatay kay PCSO Board secretary Wesley Barayuga noong 2020.
Sa pagdinig nitong Biyernes, Setyembre 27, ng quad committee ng Kamara de Representantes, iniugnay ni Police Lt. Col. Santie Fuentes Mendoza, isang miyembro ng PNP Drug Enforcement Group, sina Garma at National Police Commission (Napolcom) Commissioner Edilberto Leonardo sa pagpatay kay Barayuga.
Ayon kay Mendoza, kinontak siya ni Leonardo noong Oktubre 2019 para sa isang "special project" at ito ay ang pagpatay kay Barayuga, na isang dating police general na sangkot umano sa ipinagbabawal na gamot.
"Sinabi ni Colonel Leonardo na ang pagsasagawa ng proyektong ito ang magdidikta sa direksyon ng aking karera bilang isang pulis," sabi ni Mendoza.
Sinabi ni Mendoza na hindi kaagad naisagawa ang pagpatay dahil sa lockdown dulot ng COVID-19 pandemic.
"Matapos lumuwag ang mga lockdown measures at restrictions, muling nakipag-ugnayan sa akin si Colonel Leonardo noong Hunyo 2020 at binigyang-diin ang kahalagahan ng proyekto, lalo na't matagal na ang lumipas mula sa kanyang paunang utos," kuwento ni Mendoza.
"Sa kanyang panghihikayat, sumang-ayon ako na muling kausapin si Nelson Mariano upang alamin kung may nahanap na siyang taong angkop para sa itinakdang gawain," dagdag pa nito.
Si Mariano ay informant umano ng PNP na may kakilala na mga hired killer.
Ayon kay Mendoza, ang kinuha ni Mariano ay si "Loloy."
"Sinabi niya na maaasahan si 'Loloy' at kayang tapusin ang ibinigay na gawain," ani Mendoza.
Sinabi ni Mendoza na si Garma ang nagbigay ng litrato ni Barayuga habang ito ay nasa isang pagpupulong sa PCSO upang mas mabilis itong makilala ni Loloy.
"Sinabi rin ni Colonel Leonardo na hindi na kami mahihirapan sa pagsasagawa ng operasyon dahil nag-isyu na si Ma'am Garma ng isang service vehicle para gamitin ni Wesley Barayuga, at binigay sa akin ang deskripsyon at plate number ng sasakyan," ani Mendoza.
"Sinabi niya na maaari na naming tirahin si Wesley Barayuga pagkatapos niyang lumabas sa gusali. Ipinasa ko ang lahat ng impormasyong ito kay Nelson Mariano," dagdag pa nito.
Matapos ang pagpatay binigyan umano sila ng P300,000 na inihatid ni "Toks."
"Matapos na matagumpay na naisagawa ang operasyon, ipinaalam sa akin ni PCOL Leonardo na si Ma'am Garma ay nagbigay ng P300,000 bilang kabayaran para sa aming trabaho at ito ay iaabot ni 'Toks' sa aking middleman na si Nelson Mariano," sabi ni Mendoza.
"At nang magkita kami ni Nelson, ay inabot niya sa akin ang halagang P40,000 bilang aking bahagi sa kabayaran," dagdag pa nito.
Hulyo 30, 2020 tinambangan si Barayuga habang lulan ng kanyang sasakyan sa Barangay Highway Hills, Mandaluyong City. Sugatan naman ang kanyang driver.
Samantala, sinabi naman ni Garma na wala itong natatandaan na naging hindi pagkakasunduan kay Barayuga.
Sa tanong ni Bukidnon Rep. Keith Flores kaugnay ng pagkakadawit sa kanya sa pagpatay, sinabi ni Garma na "Nagulat lang po ako Mr. chair, I didn't expect it po."
Sinabi ni Garma na ito ang unang pagkakataon na naiugnay siya sa pagpatay kay Barayuga.
Ayon naman kay Leonardo, hindi nito masyadong kilala si Mendoza na kanyang underclass sa PNPA.
"Nagulat nga rin po ako, Mr. Chair. Lagi na lang po akong nagsasalita sa ganito. Mula pa noong 2016 binabanggit na yung pangalan ko. Hindi na po sila tumigil wala naman pong napapatunayan," dagdag pa ni Leonardo.
ATTY EDNA B. DEL MORAL
No comments:
Post a Comment