Kulong sa detention facility ng Kamara de Representantes sa Batasang Pambansa Complex ang isang dating police officer na kilalang malapit kay dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos na i-contempt ng quad committee dahil sa pag-iwas na sumagot sa mga tanong ng komite.
Sa contempt order, unang iminungkahi na ikulong sa Correctional Institute for Women sa Mandaluyong City si ex-Police Colonel at dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma dahil puno na umano detention facility ng Kamara.
Ngunit kalaunan ay inabisuhan ang komite na maluwag pa ang pasilidad nito kung kaya't nagpasya na rin ang quad comm na sa Batasan ikulong si Garma.
Humarap si Garma sa quad comm matapos na isangkot ito sa pagpatay sa tatlong Chinese drug lord sa Davao Prison and Penal Farm noong 2016.
Panay ang iwas ni Garma sa pagtatanong ng mga miyembro ng komite.
Si Abang Lingkod party-list Rep. Joseph Stephen Paduano ang naghain ng mosyon para ipa-contempt si Garma dahil hindi nito masagot ang kanyang katanungan.
Partikular na tinatanong ni Paduano na hindi direktang masagot ni Garma ay ang kanyang koneksiyon at kung gaano siya kalapit kay dating Pangulong Duterte dahil na rin sa magagandang puwesto na kanyang hinawakan sa gobyerno sa ilalim ng nagdaang administrasyon.
Pinamunuan ni Garma ang PNP Women's Desk sa Davao City, sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at naging police chief ng Cebu City noong "war on drugs" ni Duterte hanggang sa nagsibling general manager ng PCSO
Naniniwala ang mga miyembro ng quad comm na "close" sina Duterte at Garma.
Kumbinsido si Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel na si Garma umano ang "director" ng pagpatay sa tatlong Chinese drug lord.
Sinabi ni Pimentel na apat na testigo— ang mga self-confessed hitmen na sina Leopoldo Tan Jr. at Fernando Magdadaro, dating Davao Penal Farm warden Supt. Gerardo Padilla, at ang dating pulis na si Jimmy Fortaleza, ang nag-ugnay kay Garma sa pagpatay kina Chu Kin Tung, Li Lan Yan, at Wong Meng Pin.
BECCA DANTES – NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment