Walang magagawa ang Pilipinas kung hihilingin ng Estados Unidos ang extradition ni Pastor Apollo Quiboloy oras na maaresto na ito ng mga awtoridad sa bansa.
Sinabi ni Justice Undersecretary Raul Vasquez na may obligasyon ang Pilipinas, sa ilalim ng extradition treaty sa US, na sumunod sa kahilingan ng Washington.
Kahit nahaharap si Quiboloy sa kasong conspiracy to engage in sex trafficking by force, coercion, at fraud and sex trafficking of children sa Amerika, wala pang extradition request ang Washington.
"Kasi obligasyon natin. Meron¬ tayong extradition treaty eh so 'yong sinasabi niya na guarantee, no one in government can give that guarantee strictly speaking," wika ni Vasquez sa isang forum sa Quezon City.
Ginawa ng DOJ official ang pahayag bunsod ng kahilingan ng kampo ni Quiboloy na dapat daw gumawa ng kasulatan sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi siya dadalhin sa US hanggang hindi nabibigyan ng pagkakataon na mapatunayan sa mga korte sa Pilipinas na inosente ito sa mga ibi-nibintang sa kanya.
Si Quiboloy ay kinasuhan ng qualified human trafficking sa Pasig City, habang child at sex abuse naman sa Davao City court na inilipat sa Quezon City RTC.
Kapwa nag-isyu ng warrant of arrest ang dalawang korte pero hanggang ngayon ay hindi pa nahuhuli ng mga pulis si Quiboloy sa posibleng pinagtataguan nito sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound sa Davao City.
Nababahala si Kingdom of Jesus Christ legal counsel Israelito Torreon sa kaligtasan ni Quiboloy kapag dinala ito sa Amerika kaya naisip nitong humiling ng kasulatan mula kina Pangulong Marcos at Remulla.
"If that kind of treatment would be given to him, bakit hindi 'yong mga pobreng tao na may kaso din? I mean, fair is fair. Ang vision at ang mantra ng administrasyon natin tungkol sa bagay na 'yan ay pantay-pantay na paglahad ng batas at paghabol ng may kasalanan, at i-expect naman nila that things would be acted upon fairly," paliwanag naman ni Vasquez sa kahilingan ng abogado.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment