Ilang beses na nagtangkang manuhol ang operator ng umano'y ilegal na scam hub sa Lapu-Lapu City para makalaya at malusutan ang kanyang kaso, ayon sa pagbubunyag ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) spokesperson Winston Casio nitong Lunes.
Sa isang panayam sinabi ni Casio na tatlong beses siyang sinuhulan ni Zao Lao, isang Chinese national na pinaniniwalaang may-ari ng sinalakay na Tourist Garden Resort, mula noong isinagawa ang raid noong Agosto 31.
"We were able to catch the owner (of) the Tourist Garden Hotel. Mind you, this guy is obviously guilty. He has already attempted to bribe me three times as of last night. He made his third attempt to bribe me to allow to let him go, so obviously this guy is caught red handed," lahad nito kay anchor Atty. Karen Jimeno.
Nabatid na dalawa sa tangka niyang panunuhol ay nakuhanan pa ng video ng isang news correspondent.
Matapos ang raid, nakipagpulong si Casio kay Zao sa harap ng 17-anyos na apo ng huli na nagsilbi niyang interpreter.
"Didn't we have another way to fix this problem?" tanong niya.
Pagkatapos noon ay muling nagsalita si Zao na isinalin ng kanyang apo.
"He want to ask, did we have another way to fix this problem?," pagdetalye ng apo nito.
Nanindigan naman si Casio ng hindi o `no.'
Target ng raid, sa pangunguna ng National Bureau of Investigation (NBI) Region 7 sa koordinasyon ng PAOCC, Bureau of Immigration, at Military Intelligence Group, ang ilang ballroom sa loob ng resort kung saan 162 foreign nationals umano ang hinahawakan at pinilit na magtrabaho.
"We were able to neutralize three scamming companies within the same POGO compound," saad ni Casio.
Idinagdag niya na ang mga kasong kriminal ay isasampa laban kay Zao at apat na iba pang mga Chinese na nagtrabaho bilang mga team leaders o managers ng pinaghihinalaang scam hub.
Ang iba pang mga bagay na nasamsam sa raid ay ilang cellphone at computer.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment