Nabulag sa malaking perang inihatag sa mga opisyal ng gobyerno kaya pinayagan ang ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) kahit na ipinagbawal na ito ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Ito ang sinabi ni Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez sa muling pagsasagawa ng imbestigasyon ng quad committee ng Kamara de Representantes.
"Iba talaga ang kinang ng salapi sa mata ng ating mga nasa gobyerno at nagpapatupad ng mga batas," ani Fernandez, chairman ng House committee on public order and safety.
Sinabi ni Fernandez, sa kabila ng utos ng Pangulo ay nagpatuloy ang operasyon ng POGO sa Cebu, Cavite, at Cagayan dahil itinuon ng mga corrupt na opisyal ang kanilang atensiyon sa pera at personal na interes.
"Hukayin po natin ang ugat ng lahat ng ito, at saan sila kumukuha ng lakas ng loob upang ipagpatuloy ang mga ilegal na operasyong ito," deklara ni Fernandez.
Ikinabahala rin ni Fernandez ang alegasyon na mayroong matataas na opisyal at dating opisyal ng Philippine National Police (PNP) na sangkot kaya nagpapatuloy ang operasyon ng POGO.
"Totoo ba 'to? Is this the reason why operations in conducting on the stoppage of the illegal POGOs in the whole country are not being implemented or they are just stories that need no attention for discussion?" tanong ni Fernandez.
"Bilyon-bilyon ang operasyon ng POGO from the construction of big facilities, buying of lands by certain Chinese corporations, and the financial transactions through bank exchanges of large amounts of money. Kung iisipin mo, hindi lang talaga online gambling and scams ang involved dito but the money being laundered in these operations is so blatant that it needs no deep explanation for an ordinary person to understand," paliwanag nito.
"Pera 'to ng droga. Pera 'to na nanggaling sa Chinese operators na gustong linisin ang kanilang pera dito sa kanilang operasyon sa POGO," giit ng kongresista.
Sa kanyang pagtatapos, nanawagan si Fernandez sa publiko na tumulong upang mahanap ang mga ilegal na POGO.
"Sa ating mga kababayan, tulungan n'yo po kami. Kung meron po kayong nalalaman sa patuloy na pag-o-operate ng ilegal na POGO sa inyong lugar, buligligin po natin ang mga nanunungkulan at mga hepe ng pulisya na kumilos sa kanilang mga nasasakupan. Without compliance, please report to the Quad Committee, and we will act accordingly," wika ni Fernandez.
ATTY EDNA B. DEL MORAL
No comments:
Post a Comment