Nag-negatibo umano sa gunpowder test si NorthPort Batang Pier player John Amores matapos lumabas ang resulta ng paraffin test ngayong Biyernes, Setyembre 27, 2024.
Sa panayam ng media kay Police Major Bob Louis Ordiz, parehong kamay ni Amores ang nag-negatibo sa nasabing test bagama't nilinaw din niya na hindi umano ito nagpapakahulugan na hindi nagpaputok ng baril si Amores.
"May iba-ibang factors kung kung bakit walang presence ng gunpowder nitrate. Puwedeng maging factor doon 'yung dahil nasa outdoor siya, wind temperature at angle ng firing," ani P/Maj Ordiz.
Binigyang diin din niya ang nakuhanan ng CCTV at mga umano'y testimonya ng witnesses ang tatayong ebidensya sa kaso ni Amores.
"May CCTV footage naman tayo at statements ng mga witnesses, na sinasabing si John Amores ang suspect sa shooting incident," dagdag pa ni P/Maj Ordiz.
Samantala, pormal na umanong nakapagpasa ng kaso sa Municipal Circuit Trial Court ng Lumban, Laguna si Assistant Provincial Prosecutor Maria Victoria Cayab kasunod ng inquest proceeding ng magkapatid na Amores noong Huwebes, Setyembre 26, 2024.
Ayon sa kumakalat na larawan ng umano'y pormal na kasong isinampa kay Amores at sa kaniyang kapatid mula sa umano'y Lumban MPS, nahaharap ang dalawa sa "attempted homicide."
Sa ulat ng ABS-CBN news nitong Biyernes, Setyembre 27, 2024, may rekomendasyong maaaring makapagpiyansa umano ng ₱24,000 si John Amores habang ₱10,000 naman para sa nakababata niyang kapatid na siyang nagmaneho ng sinasakyan niyang motor nang habulin nila ang biktima.
Samantala, maaari pa rin umanong makulong ng anim hanggang 12 taon si Amores kung siya ay mapatunayang guilty sa attempted homicide.
Matatandaang nasangkot si Amores sa insidente ng pamamaril noong Miyerkules, Setyembre 25, 2024 matapos ang hindi pagkakaintindihan sa pagitan niya at ng kaniyang biktimang si Lee Cacalda dulot umano ng isang contested call sa isang liga sa Barangay Salac sa bayan ng Lumban, Laguna.
ANGHEL MIDRERO - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment