Nagpaalala ang Commission on Elections (Comelec) sa mga delisted voters na mayroon na lamang silang hanggang katapusan ng buwan para iproseso ang reactivation ng kanilang registration.
"May nadiskubre kami ma meron tayong 5.37 million na hindi makakaboto dahil deactivated. Ano ibig sabihin niyan? Sila ay hindi nakaboto ng dalawang magkasunod na eleksyon, nung Mayo ng 2022 at etong Oktubre ng 2023 barangay and SK," ani Comelec Commissioner George Garcia sa isang panayam.
"Kaya naman, panawagan natin, kinakailangan maging "wais," kailangang magpa reactivate tayo ng ating registration hanggang September 30 na lang po, at eto ay walang extension,"aniya pa.
Maaaring makipag-ugnayan ang mga nais mag-apply para sa reactivation online sa pamamagitan ng opisyal na email address ng Offices of Election Officer sa buong bansa, na makikita sa opisyal na website ng Comelec.
"Kung kayo po ay walang pagkakataon pumunta sa local offices, atin pong in-extend until september 25 yung reactivatation online. Puwede po ang online reactivation sa ating website," wika pa ni Garcia.
Para naman sa mga mabibigo na mag-reactivate online, maaari pa ring pumunta sa mga lokal na tanggapan ng Comelec hanggang sa katapusan ng buwan.
"Pumunta na lang sila sa ating mga local comelec, kung saan nandiyan yung reactivation form," ani pa nito.
Matatandaan na noong nakaraan, sinabi ng Comelec na mahigit 600,000 deactivated voters na ang nag-apply para sa reactivation para sa 2025 national at local elections (NLE).
Samantala, umabot na sa mahigit 6.2 milyon ang bilang ng mga bagong rehistradong botante para sa 2025 national at local elections (NLE), ayon sa datos ng Comelec.
HAZEL HEDI - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment