Naglabas ng arrest warrant ang isang hukuman sa Tarlac laban kay dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na kinasuhan ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Base sa warrant ng Capas, Tarlac Regional Trial Court Branch 109, inatasan ang mga awtoridad para sa agarang pag-aresto kay Alice Leal Guo alyas Guo Hua Ping.
Ngunit nagtakda naman ang hukuman ng P90,000 piyansa para sa pansamantalang kalayaan ni Guo.
Ang inilabas na arrest warrant ay kaugnay sa reklamong isinampa ng Department of the Interior and Local Government (DILG) laban kay Guo at iba pang lokal na opisyal ng Bamban sa Office of the Ombudsman tungkol sa umano'y koneksyon ng mga ito sa sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa naturang bayan.
Samantala, kinonsidera ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) ang kaso ni Guo bilang isang national security concern.
Sinabi ito ni NICA Legal Officer Atty. Rowena Acudili sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Subcommittee on Justice and Human Rights sa pagtakas ni Guo.
"Considering the fact that Ms. Guo has been involved and charged with various criminal charges and involved in other unlawful activities, plus the fact that her Filipino citizenship is in question, the NICA considers this as a national security concern," pahayag ni Acudili.
ATTY EDNA B. DEL MORAL
No comments:
Post a Comment