Nagpapalipat-lipat ng pinagtataguang exclusive subdivision si dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque kaya hindi ito maaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Ayon kay CIDG Director Police Major General Leo Francisco, noong Biyernes ay namataan na si Roque ng tracker team ng CIDG sa isang exclusive subdivision subalit nabigo silang makuha dahil hindi sila basta-basta makapasok.
Kailangan pa umanong malaman pa ng mga security ng subdivision kung saan pupunta ang mga pulis at sino ang kanilang hahanapin kaya pagpunta nila sa bahay ay wala na roon ang kanilang target.
Paliwanag ni Francisco na mahalaga ang kahit isang minutong delay dahil agad na nakakaalis si Roque ng bahay bago pa man dumating ang kapulisan.
Palipat-lipat at hindi umano nagtatagal sa isang lugar ang pinaghahanap na abogado, sini¬guro rin ni Francisco na nasa bansa pa si Roque.
Sa ngayon ay mayroon panibagong minamanmanang lugar ang tracker team ng CIDG na posibleng kinaroroonan ni Roque at isa na naman itong exclusive subdivision subalit hindi muna ibinunyag ni Francisco kung saan ito upang hindi masira ang kanilang ginagawang operasyon.
Kaugnay nito, inihain naman kahapon sa Supreme Court ang disbarment case laban kay Roque matapos itong mag-post sa social media ng deep fake video ng paggamit umano ng ilegal na droga ni Pangulong Ferdinand 'Bongbong' Marcos Jr.
"Complaints of disbarment, first and foremost, should NOT be made in public," reaksiyon naman ni Roque.
ANGHEL MIDRERO - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment