Maaari umanong bumaba si Vice President Sara Duterte sa kanyang puwesto kung ayaw na nitong gampanan ang kanyang tungkulin bilang ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.
Ito ang sinabi ni House Assistant Majority Leader at Ako Bicol party-list Rep. Raul Angelo Bongalon bilang reaksyon sa ginawang pagpunta ni Duterte sa beach sa Calaguas Island pero hindi pumunta sa Kamara de Representantes para sa deliberasyon ng panukalang budget ng tanggapan nito sa 2025.
Kumalat sa social media ang litrato at video ni Duterte habang nasa Calaguas Island noong weekend hanggang Lunes nang umaga.
"Ibig sabihin po nito wala talagang intensyon na dumalo dito po sa pagdinig ng plenaryo upang i-sponsor at i-defend ang budget ng OVP (Office of the Vice President) sapagkat kung meron po siyang intensyon dapat Sunday man lang nandito na siya sa Manila o kaya naman nakipag-communicate siya sa Office ni Cong. (Zia Alonto) Adiong para magkaroon po ng briefing at mapaghandaan ng budget sponsor ang mga katanungan po sa OVP," sabi ni Bongalon.
Itinakda ang deliberasyon ng panukalang budget ng OVP alas-10:00 nang umaga noong Setyembre 23 at hinintay dumating si Duterte o kanyang awtorisadong kinatawan hanggang halos alas-3:00 nang umaga ng Setyembre 24.
Dismayado rin ang ibang kongresista sa hindi pagdalo ni Duterte sa plenary deliberation ng OVP budget.
"We actually waited for 17 hours since 10 a.m. of September 23 up until mag-aalas-3:00 na po, September 24," sabi ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel.
Mariin namang itinanggi ng OVP na nasa beach si Duterte habang hinihintay ang kanyang pagdalo sa Kamara para sa budget hearing noong Lunes.
ARVIN SORIANO (Ll.B) - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment