Sinubukan subalit nabigo ang mga miyembro ng minority sa Manila City Council na harangin ang pamamahagi ng P10,000 financial assistance, hygiene kits at relief items sa bawat isa sa mahigit na 2,000 pamilyang nabiktima ng dalawang sunog sa Tondo.
Napag-alaman na-delay ang resolusyon na kinakailangan para sa agarang pag-release ng naturang pondo dahil may ilang members ng minority group sa Manila City Council ang nagtangkang harangin ang pagpasa ng resolusyon na kailangan para sa mabilis na paglabas ng pondo para sa mga nasunugan.
Personal namang humingi ng paumanhin si Manila Mayor Honey Lacuna dahil sa pangyayari, kung saan ang mga apektadong pamilya ay kinailangan pang paghintayin para sa tulong ng pamahalaang-lungsod na pupuwede namang hindi na.
"Lagi ko sinasabi sa mga kasamahan ko na ayaw na ayaw kong nagpapahintay, dahil alam kong napakabigat na ng inyong pinagdaraanan," ayon kay Lacuna.
"Kanina po ay pinakiusapan ko ang konseho ng Maynila na magpasa ng isang resolusyon para sa agarang pagbibigay ng tulong-pinansiyal, dangan nga lamang, hindi ko malaman sa kung anong dahilan ay tila ho ba parang pinatatagal nang pinatatagal ng ilan nilang kasamahan sa minorya pero sabi ko sa kanila (majority councilors), 'wag sila bibitaw, piliting maipasa dahil alam ko po 'yan ang kinakailangan nyo ngayon," dagdag pa nito.
Nagpahayag ng buong pasasalamat ang alkalde kay Vice Mayor Yul Servo na siya ring Council Presiding Officerm gayundin kina Councilors Bobby Lim, Nino dela Cruz at Marjun Isidro at iba pang majority councilors na nagtatrabaho upang tiyakin na ang resolution na kailangan para mailabas ang pondo at maipasa sa lalong madaling panahon. Ang mga nabanggit na councilors, kasama na rin si social welfare chief Re Fugoso, ay tumulong din sa pamamahagi ng cash aid at goods para sa pamilya ng mga fire victims.
"Pasalamatan natin sila sa kanilang tunay na pagmamalasakit and siyempre, si Vice Mayor Yul na kanina pa inaaway nung iba nating konsehal. Di ko maintindihan kaya ako na ho ang nahingi ng paumanhin pero ang importante nandirito na kami ngayon dahil alam ko na ito po ang kailangang- kailangan nyo, maliban sa kailangan ninyong makabalik sa inyong mga lugar para makapag-pundar ulit. Pagdamutan ninyo ang aming makakayanan," pahayag ni Lacuna.
Napag-alaman na sisimulan na sanang talakayin ni Servo ang nabanggit na resolution para sa cash assistance ng mga nasunugan nang sabay- sabay na umalis ang mga konsehal na miyembro ng minority sa tangkang harangin ang pagpasa ng resolution bunga ng kawalan na ng quorum.
Agad na kumilos si Servo para makabuo ng kinakailangang quorum sa pamamagitan ng pagsama sa majority councilors na nagrehistro sa pamamagitan ng zoom, na ayon sa kanya ay pinapayagan naman sa ilalim ng internal rules ng konseho, pero maging ito ay kinweston ng isang minority member na pinahaba nang pinahaba bilang isang paraan para i-delay o harangin ang pagpasa ng resolusyon.
"Nakakalungkot lang na pati ang tulong na para sa mga tao ay napupulitika. Dapat ipinapasa namin agad ang mga resolusyong gaya nito kasi kailangang-kailangan ito ng mga tao," malungkot na pahayag ni Servo.
Sa naganap na pamamahagi ng tig-P10,000 cash assistance, hygiene kits at relief goods, tiniyak ni Lacuna sa mga nasunugan na siya at ang kanyang mga kaalyado sa konseho ay laging naririyan para sa kanila.
"Hinding-hindi namin kayo pababayaan at hinding-hindi namin kayo iiwan," deklara pa ni Lacuna.
ARVIN SORIANO (Ll.B) - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment