Umabot na sa 31 taon ang paghihintay ng mga benepisyaryo ng land reform ng Department of Agrarian Reform (DAR), pero hanggang sa ngayon hindi pa rin naibigay sa kanila ang security of tenure ng lupang sinasaka sa Barangay Bataan, San Juan, Batangas.
Dahil dito, inatasan ng Commission on Audit (COA) ang DAR na patawan ng parusang administratibo ang officer-in-charge sa Batangas sa ilalim ng Anti-Red Tape Act of 2007, kung hindi nito mareresolba ang isyu.
Base sa 2022 annual audit report sa DAR, binigyang-pansin ng COA ang nakabinbin na Collective Certificate of Land Ownership Award (CCLOA) na may petsang Disyembre 28, 1992, kung saan pinagtatalunan pa ang land security tenure para sa 44 magsasaka na walang lupa.
"These agrarian reform beneficiaries are already in their advanced age yet were not afforded land tenure security despite the lapse of over 31 years," ayon sa COA.
Nabatid din ng COA na ang CCLOA ay isinumite sa Registry of Deeds noong 2013 at ibinalik sa DAR provincial office noong 2016 dahil sa kakulangan ng orihinal na Deed of Partition.
Nakasaad din sa audit report na ginamit ng departamento ang 97 porsyento ng P2.613 bilyon nitong pondo para sa pagkuha at pamamahagi ng lupa ngunit kulang pa rin sa mga target nito.
Nabanggit pa sa audit report na ang mga proseso ng dokumentasyon ay kabilang sa mga dahilan kung bakit hindi nakamit ang mga target.
Natanggap na ni DAR Secretary Conrado Estrella ang kopya ng audit report noong Hulyo 28, 2023.
ARVIN SORIANO - HN NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment