Sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia nitong Linggo na sasampahan nila ng kaso ang mga lokal na opisyal ng pamahalaan na nakialam sa pagdaraos ng katatapos na 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon kay Garcia, nagpatawag na siya ng isang pulong ngayong Lunes, Nobyembre 6, upang maisapinal ang listahan ng mga naturang opisyal na nakialam sa pagdaraos ng halalan.
Sabi pa ni Garcia, kailangan nilang seryosohin ang bagay na ito upang hindi na maulit pa sa mga susunod na eleksiyon.
Nauna rito, nakatanggap ang poll body ng mga reklamo na may mga local government officials ang nakialam sa halalang idinaos noong Oktubre 30 lamang.
Aniya, iimbestigahan at beberipikahin nila ang mga naturang sumbong at kaagad na dadalhin sa atensiyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa kaukulang pagsasampa ng kaso.
Muli ring tiniyak ni Garcia na hindi nila kakasuhan ang mga gurong nagsilbi sa halalan at sa halip ay babalikan nila ang mga taong nanakot at nang-impluwensiya sa kanila upang umurong at huwag magsilbi sa eleksiyon.
"Hindi natin babalikan ang mga guro, hindi tayo magpapakulong ng ating mga bayani o guro. Subalit kung sino 'yung mga nang-impluwensya o nanakot sa kanila, 'yan ang babalikan natin. Mukhang dapat kinakailangan mapanagot natin ang mga 'yan," ayon pa kay Garcia, sa isang panayam sa radyo.
ANGHEL MIDRERO - HN NEWS CORRESPONDENT
No comments:
Post a Comment