Ipagbabawal na ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila ang pagsabit sa mga public utility vehicle (PUV) makaraang maaprubahan sa huling pagbasa ang ordinansa na magpapatupad nito.
Batay sa City Ordinance No. 9003 o ang "Bawal Sabit on Public Utility Vehicle" na inakda ni Manila 1st District Councilor Martin "Marjun" Isidro Jr. na inaprubahan sa huling pagbasa ng ika-12 Sangguniang Panlungsod noong Nobyembre 9, 2023, ipinagbabawal ang overloading ng mga PUV na lampas sa itinakdang maximum loading capacity nito.
Partikular na ipinagbabawal ang sinumang tsuper na payagan ang mga nakatayong pasahero, lalo na ang mga nakasabit sa pasukan ng jeep.
Ayon kay Manila Vice Mayor Yul Servo at nagsisilbing Presiding Officer, makakatulong umano ang nasabing regulasyon na mabawasan ang mga aksidente sa sasakyan sa Metro Manila.
Batay sa datos ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), noong 2022 lamang ay nakapagtala sila ng pinakamataas na bilang ng mga aksidente sa sasakyan sa 58,447 kaso o average na 157 araw-araw na kaso.
Ngunit batay sa pinakahuling ulat ng MMDA para sa unang pitong buwan ng 2023, ang Metro Manila ay nakakaranas ng average na halos 211 na aksidente sa kalsada araw-araw o kabuuang 44,493 mula Enero hanggang Hulyo.
Ang ordinansa ay nababatid sa Seksyon 51 ng Republic Act No. 4135 na kilala bilang Land Transportation and Traffic Code Law (Section 51. Hitching to a vehicle. – No person shall hang on to, ride on, the outside or the rear end of any vehicle, and no person on a bicycle, roller skate or other similar device, shall hold fast to or hitch on to any moving vehicle, and no driver shall knowingly permit any person to hang on to or ride, the outside or rear end of his vehicle or allow any person on a bicycle, roller skate or other similar device to hold fast or hitch to his vehicle).
Ang "Bawal Sabit on Public Utility Vehicle(PUV) Ordinance" ay magkakabisa 15 araw pagkatapos itong mailathala sa hindi bababa sa dalawang pahayagan ng lokal na nabanggit.
BECCA DANTES – HN NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment