Nauwi sa karahasan ang masayang Christmas party ng mga residente sa kanilang covered court matapos na masawi ang dalawa katao nang pagbabarilin ng isang lalaki na unang dumating sa venue at nag-inom na ng alak sa Brgy. Imelda, Pilar, Camotes Island, Cebu nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Roger Cataros, 49-anyos, isang mangingisda at Benjie Alcala, binata, magsasaka; pawang residente sa naturang lugar.
Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 7, nangyari ang madugong insidente sa Brgy. Imelda, Pilar bandang alas-11:25 ng gabi.
Ayon sa imbestigasyon, nagkakasiyahan ang mga residente sa kanilang Christmas party sa covered court ng barangay kung saan may entertainment pa na dinagsa ng mga tao, nang bigla na lang mamaril ang isang lalaki na nasa impluwensiya ng alak.
Ayon sa mga testigo, ang nasabing lalaki ay nauna umanong dumating sa nasabing Christmas party na nagsimula nang uminom ng alak maaga pa lamang.
Sa nasabing insidente, nasapol ng mga tama ng bala sina Cataros at Alcala na siyang kumitil sa kanilang buhay.
Nagpulasan naman ng takbo ang mga tao sa matinding takot na sinamantala ng 'di pa kilalang gunman sa kaniyang pagtakas.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kaso.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment