Ang iligal na droga kahit kabi-kabila ang isinasagawang operasyon ng mga awtoridad sa bansa ay hindi pa rin maubos-ubos.
Sa katunayan nitong Marso 29, 2023 ay nasamsam ng pinagsanib na mga operatiba ng Police Regional Office-Cordillera (PRO-COR); National Capital Region Police Office (NCRPO); National Bureau of Investigation, at ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office Cordillera Administrative Region (PDEA-RO CAR) ang mahigit 500 kilo ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu, na may street value na ₱4 bilyon sa ikinasang raid sa Purok 4, Barangay Irisan, Baguio City noong Marso 29, 2023 at naaresto sa operasyon si Ming Hui alyas "Tan", 51, isang Chinese National.
*Nadakip naman ng mga ahente ng PDEA sa isinagawang controlled delivery operation ang isang lalaki kung saan nasamsam dito ang nasa 1.8 kilong shabu na nagkakahalagang P12.2 milyon sa Mandaluyong City nitong Mayo.
Nabatid na ginamit pa ni Joel Reyes, 42, ng Highway Hills, Mandaluyong City ang pangalan na Kyle Sanchez nang tanggapin ang higit 1.8 kilo ng shabu mula sa San Jose, USA. Dumating ito sa bansa sa Port of Clark noong Mayo 9.
*Nitong Hulyo ang Fentanyl, na sinasabing mas malakas ang 'tama' kumpara sa shabu ang isa pang umuusbong na problema sa droga sa bansa.
Iniimbestigahan pa ng PDEA ang pinagmulan ng supply ng nasabing gamot na kadalasang ginagamit sa mga pasyenteng nakikipaglaban sa end-stage cancer.
*Setyembre 24 naman, tinatayang aabot sa 530 kilo ng pinaghihinalaang shabu galing Thailand ang nakumpiska sa isang bodega sa Purok 5, San Jose Malino, Mexico City, Pampanga nitong Setyembre 24.
Inihalo ang droga sa iba pang produktong katulad ng pork rinds at dog food at nakalusot sa Port of Subic noong Setyembre 18.
Ito na ang pinakamalaking nahuling illegal drugs sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
*Dalawang Nigerian din na hinihinalang miyembro West African drug syndicate sa Imus, Cavite, ang nakumpiskahan ng isang kilo ng hinihinalang heroin na may street value na P6 milyon nito ring Setyembre.
Nakuha rin sa mga suspek ang pinatuyong marijuana, cellphone, ID card, at marked money. Nakumpiska rin ang mga kontrabandong itinago sa loob ng school supplies.
*Oktubre naman nang masabat ang aabot sa 275 kilo ng iligal na droga ng pinagsanib na puwersa ng BOC, Philippine National Police-Drug Enforcement Group, at PDEA sa Manila International Container Port sa Maynila.
Ang nasabat na illegal na droga na P1.7 bilyon ay galing ng Mexico, na nakasilid sa 450 karton sakay ng 40 footer container van at nakabalot sa silver at red aluminum pouch na idineklarang karne ng baka.
*Muli namang iginiit ni PDEA Director-General Moro Virgilio Lazo na walang `drug recycling' sa loob ng ahensya, at itinanggi ang umano'y pahayag ng ilang impormante na binabayaran sila ng mga awtoridad gamit ang bahagi ng mga naharang na ilegal na droga.
Sa katuayan aniya, umabot sa ₱5,968,744,462.01 ng mapanganib na droga at iba pang substance ang winasak ng PDEA noong Oktubre 20, 2023.
BECCA DANTES – HN NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment