Inihayag ng Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases (PSMID)-Western Visayas Chapter na nasa 153 katao ang nasawi dahil sa human immunodeficiency virus (HIV) sa Negros Occidental at Bacolod City mula Enero hanggang Hulyo ngayong 2023.
Gayundin may 1,333 naitalang HIV cases mula 1986, kung saan nasa 115 ang bagong kaso ngayon taon.
Nabatid na sa Lungsod ng Bacolod, Silay, Bago, at Talisay ang may pinakamataas na kaso ng HIV/AIDS (acquired immunodeficiency syndrome) sa Negros Occidental.
Sa ginanap na World AIDS Day rites sa Bacolod City College noong Disyembre 1, lumabas na 28% ng bagong HIV case ay may edad 15 hanggang 24.
Ngayong taon, anim na bagong kaso ang naitala sa Western Visayas na nasa edad 15 pababa.
Ayon kay Dr. Jeanette J. Umali, PSMID-Western Visayas Chapter president, may mga kaso ng HIV na apektado ang edad 10 hanggang 19 anyos.
Kaugnay nito, sinabi ni Provincial Health Officer Girlie Pinongan na may dalawang bagong HIV/AIDs treatment hubs sa Negros Occidental, ang Cadiz District Hospital sa north at ang Lorenzo D. Zayco District Hospital ss Kabankalan City sa south.
Binabalak umano na magbukas pa ng dalawang HIV treatment hubs sa Teresita L. Jalandoni Provincial Hospital sa Silay City at sa Valladolid District Hospital sa Valladolid sa 2024.
BECCA DANTES – HN NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment