Binuhusan ng karagdagang pondo mula sa P5.768 trillion national budget para sa 2024 ang mga local government unit (LGU) upang lalo pang makapaghatid ng serbisyo sa kanilang mga nasasakupan, ayon kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Sa kanyang mensahe sa awarding ng Seal of Good Local Governance sa mga outstanding LGU na ginanap sa Manila Hotel kahapon, binanggit ni Romualdez na sa ilalim ng panukalang 2024 national budget na nakatakda nang lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga susunod na araw ay nakapaloob ang probisyon para sa epektibong implementasyon ng Mandanas ruling.
Sa pamamagitan umano nito ay masisiguro na mayroong sapat na pondo ang mga lokal na pamahalaan.
Base sa Mandanas ruling ng Supreme Court, tinaasan na ang share o parte ng mga lokal na pamahalaan mula sa national revenues.
Sinabi pa ni Romualdez na binalangkas ng Kongreso ang panukalang budget upang maging balanse ang progreso hindi lamang sa mga urban area kundi sa buong panig ng bansa upang sa gayon bawat Pilipino ay matitikman ang kasaganaan at kapayapaan.
Kasabay nito, hinikayat ni Romualdez ang mga national at local officials na patuloy na magtulungan para sa isang matatag at maunlad na Pilipinas.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment