Patay ang lider ng umano'y kidnap for ransom group na nagpanggap na ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa naganap na engkwentro noong Biyernes ng hapon sa Zambales.
Ang napatay na suspek na kinilalang si Bryce Movilla, 50, at residente ng lalawigan ay napatay ng mga ahente ng Anti Organized Crime Division – NBI agents na aaresto sana sa kaniya sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng korte.
Kinilala si Movilla bilang pinuno ng grupong Kidnap-for-ransom na sangkot sa pagkidnap sa isang Malaysian national sa isang tanggapan ng POGO sa Makati City, matapos magpanggap ito at ang kanyang mga kasamahan bilang mga ahente ng NBI.
Nagpakita umano ang mga ito ng pekeng search warrant at dinala nila ang Vietnamese na kunwari ay aarestuhin at pagkatapos ay humingi ng ransom para sa pagpapalaya ng huli.
Natunton si Movilla at ang kanyang grupo sa Midal Hotel sa Sta Cruz Zambales kung saan dinala ang Malaysian hanggang sa mabayaran ang ransom.
Natukoy din ang mga sasakyang ginamit nila sa pagkidnap na isang puting Nissan Navara na may plate no. DBH2023, habang isa dito ay nadiskubreng peke ang plaka,
Bukod dito, sa beripikasyon napag-alaman na may outstanding warrant of arrest, service/implementation si Movilla na humantong sa isang law enforcement action laban sa kaniya.
Sa nasabing operasyon, nakabuntot ang mga operatiba ng AOTCD sa White Nissan Navara na may plakang PN DBH2023 na minamaneho ni Movilla.
Isang pangkat ng CID ang pumuwesto sa kahabaan ng highway mula sa timog na bahagi ng Sta Cruz, Zambales, habang ang isa pang pangkat ng mga ahente ng AOTCD ay nasa hilagang bahagi, upang maharang ang daraanan ng sasakyan ng suspek.
Habang hinahabol, napansin ng mga operatiba na naramdaman ng suspek na sinusundan siya.
Binuksan ng mga operatiba ang mga blinker at sirena upang ideklara ang kanilang awtoridad at sa layuning i-flag down ang sasakyang minamaneho ng suspek, saka lumipat sila sa kaliwa at inookupahan ang kaliwang lane na isang makipot na kalsada katulad ng isang counterflow.
Subalit biglang nagpaputok ng baril ang suspek dahilan upang gumanti na rin nang pamamaril ang mga ahente ng NBI.
Nagsasagawa na ang forensic team ng imbestigasyon sa pinangyarihan ng krimen.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment