Umaapela umano ngayon si Senador Robin Padilla kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., na italaga ang kanyang kapatid na si Camarines Norte Governor Ricarte Padilla para pamunuan ang Regional Development Council (RDC) sa rehiyon ng Bikol.
Ayon sa source, nitong Pebrero 28 ay nagpadala ang senador ng liham sa tanggapan ng pangulo na i-appoint ang kanyang kapatid para maging tagapangulo o chairperson ng Bicol RDC dahil malaki umano ang maiaambag nito sa pagpapalago ng ekonomiya at sa pag-unlad ng rehiyon.
Ang Bicol Regional Development Council (RDC) ang pinakamataas na policy-making body sa rehiyon at nagsisilbi bilang counterpart ng National Economic Development Authority (NEDA) Board sa subnational level.
Nakarating na umano ang liham ni Padilla sa Office of the President (OP) subalit hindi pa nababasa ng pangulo na nasa Australia para sa isang state visit.
"Dalangin ko pong mabigyan ng konsiderasyon, sang-ayon sa mga umiiral na regulasyon at batas ang rekomendasyon ng inyong lingkod," bahagi ng liham ni Padilla kay Pangulong Marcos.
HAZEL HEDI - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment