Naaresto ang pangunahing suspek sa pagpatay sa isang retired police general noong March 19, 2022 nitong Miyerkules ng gabi, February 28, 2024.
Sa ulat ni Brig. General Allan Nobleza, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, kusang nagpaaresto sa mga kasapi ng Criminal Investigation and Detection Group, sa pamumuno ni Lt. Col. Ariel Huesca, ang 31-anyos na si Orlan Lindungan Ayunan nang silbihan ng warrant of arrest sa kanyang hideout sa Purok Lugay-Lugay, Brgy. Bagua 1.
Si Ayunan at tatlong iba pa ay may kinakaharap na kaso kaugnay ng kanilang pagpatay kay retired Police Gen. Rolen Balquin, gamit ang .45 caliber pistols, sa mataong bahagi ng Sinsuat Avenue sa lungsod.
Mula sa RTC Branch 13 na nasa kapitolyo ng Bangsamoro region ang warrant of arrest para sa kanya at tatlong kasama na sina Misuari Mando, Salem Edu at Roberto Abdullah.
Si Balquin noon ay chief ng civil security service ng Cotabato City government, na dadalo sana sa isang okasyon. Pababa ito sa kanyang sasakyan nang lapitan nila Ayunan at pinagbabaril.
Sugatan sa insidente ang driver at escort ni Balquin na si Chief Master Sgt. Ariel Gutang, kasapi ng Cotabato City Police Office.
ARVIN SORIANO (Ll.B) - HN NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment