Posibleng may "failure of intelligence" ang Philippine National Police (PNP) kaya hindi malaman ang kinaroroonan ng puganteng si Pastor Apollo Quiboloy.
Ito ang sinabi ni Senadora Risa Hontiveros kasabay panawagan kay bagong PNP chief Rommel Francisco Marbil na kumilos para sa agarang ikadarakip ni Quiboloy na nahaharap sa tatlong warrant of arrest dahil sa mga krimeng kinasasangkutan ng lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
"Three na warrants ang isinerve sa kanila, yung galing sa Korte sa Davao, yung Korte sa Pasig, at yun para sa non-bailable offense, at mismo warrants ng Senado," sabi ni Hontiveros sa phone patch interview sa dzBB.
"Pero hindi pa rin siya ma-secure. At hindi pa rin siya ma-aresto, kaya't nanawagan po ako kay bagong Chief PNP Marbil na mag-step up naman ang PNP. Kasi baka may failure of intelligence na, na hindi pa di umano matukoy ang whereabouts ni Quiboloy para siya ay ma-aresto," dagdag pa niya.
Maliban diyan, muling nanawagan ang senador sa PNP na kanselahin din ang lisensiya ng mga armas ni Quiboloy matapos kumalat ang mga litrato at video sa social media habang nagsasanay ang mga private army nito.
"At ano pa ang iniintay po nila na cancelahin ang lisensya sa firearms ni Quiboloy? Dahil kitang kita na sa buong social media, so ano pa ang kailangang patunay sa mata ng PNP?" ani Hontiveros, chairperson ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality na na nag-iimbestiga sa mga reklamo ng mga dating kasapi ng KOJC laban kay Quiboloy.
"Mayroong private army si Quiboloy, armado ito, at nagpo-post sila sa social media na handang halos magpakamatay at handa silang gamitin ang kanilang armas. Handang mandahas para lang protektahan si Quiboloy. So, ano, banta siya sa peace and order ng ating bansa," sambit pa niya.
Ayon pa kay Hontiveros, dapat mag-step up na ang PNP para bigyan ng respeto ang mga warrant of arrest na isinerve ng korte at ng Senado laban kay Quiboloy.
"Sana po mag-step up na ang PNP para bigyan ng respeto yung mga warrants na kanilang isinerve at ma-aresto na si Quiboloy," anang senadora.
ARVIN SORIANO (Ll.B) – NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment