Nasagip ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang 12 na kababaihan na mga biktima ng human trafficking at arestado ang may-ari ng isang spa at tauhan sa lungsod.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga suspek na sina Richelle Gumaru, 30, may-ari; at receptionist ng Mira Spa na matatagpuan Reylila Building 47, panulukan ng Mercury St. at Commonwealth Ave, Novaliches, Quezon City, at kaherang si June Boy Segovia, 35.
Ayon kay QCPD Director PBrig. Gen. Redrico Maranan, nakatanggap ng sulat ang QCPD District Special Operation Unit (QCPD-DSOU) mula sa QC Business Permits and Licensing Department hinggil sa umano'y illegal activities ng Mira Spa na nag-aalok ng "extra service" sa mga customer bukod pa sa massage therapy.
Sumailalim sa beripikasyon at surveillance ng QCPD DSOU at QCPD-District Women and Children Concern Section (QCPD-DWCCS) ang impormasyon at ikinasa ang entrapment operation.
Dakong 10:20 ng gabi nitong Lunes, ilang pulis ang nagpanggap na kustomer na inalukan umano ng "extra service" ng isang babaeng massage therapist.
Dito na pinasok ng QCPD-DSOU sa pangunguna ni PMaj. Wilfredo Tarran, Jr., QCPD DWCCS sa pamamahala ni PMaj. Reine Balmaceda at ng Social Services Department ng QC-LGU ang Mira Spa at hinuli ang mga suspek at nasagip naman ang 12 na kababaihan.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A. 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act.
ANGHEL MIDRERO - HN NEWS CORRESPONDENT
No comments:
Post a Comment