Nakatakdang bawiin ng pamahalaan ang bilyon-bilyong pisong halaga ng lupain mula sa hinihinalang Chinese drug lord na si Willie Ong at mga kasabwat nito.
Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, maghahain ng forfeiture proceedings ang Land Registration Authority (LRA) at Office of the Solicitor General (OSG) laban kina Ong, ang real estate firm nitong Empire 999 at mga kasamahan.
"They own 55% of Empire 999 Realty Corporation, which is in direct violation of the constitutional limitation of the 60-40 equity," sinabi ni Barbers.
Aniya, nangako ng aksyon ang LRA at OSG kasabay ng committee hearing nitong Miyerkules.
Natuklasan ng komite na si Ong at mga kasamahan niya ay mga Chinese national na nagpapanggap na Filipino.
"Since Willie Ong and company are not Filipinos, their Philippine passports must be immediately canceled by the Department of Foreign Affairs while Empire 999 Realty Corporation's SEC registration be revoked and the corporation dissolved," dagdag ni Barbers.
Si Ong ay may-ari ng SEC-registered Empire 999 Realty Corporation at warehouse sa Mexico, Pampanga, kung saan nakuha ang 530 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P3.6 bilyon noong Setyembre 2023.
Paulit-ulit na inisnab ni Ong ang imbitasyon ng Kamara na dumalo sa imbestigasyon.
Ani Barbers, layon ng aksyon ng LRA at OSG na maiwasang maibenta o mailipat ni Ong at mga kasamahan niya ang kanilang "illegally obtained assets."
Si Ong, na ang Chinese name ay Cai Qimeng, ay pinaniniwalaang nakalipad na palabas ng bansa noong Oktubre 2023 gamit ang kanyang Chinese passport.
Hindi naman sigurado ang mga awtoridad sa kinaroroonan nina Aedi Tai Yang, Jack Tai Yang, Michelle Santos Sy, at Elaine Chua, mga kasamahan ni Ong.
"Kailangang may kaso sa court. However, we commit right now that we will monitor the properties," sinabi ni Atty. Salvalente Elizalde, hepe ng LRA Legal Division, kasabay ng pagdinig na dinaluhan nina Antipolo City Rep. Romeo Acop, Laguna Rep. Dan Fernandez, at Abang-Lingkod party-list Rep. Joseph Paduano.
Iginiit ni Barbers ang pangangailangan na ipaalam sa publiko ang mga kwestyonableng ari-arian ng mga ito at maprotektahan ang mga potential buyer.
Sinabi rin niya na mahalagang imbestigahan kung paano binili ang mga ari-arian na ito, kung gamit ba ay cash, banko o mga perang mula sa mga illegal na aktibidad.
Kung si Ong at mga kasamahan niya ay nakabili ng pampublikong lupain, ang reversion proceeding ay gagawin ng LRA at OSG.
Batay sa datos ng LRA, nakabili ang Empire 999 ng 41 titled land holdings, 59 kay Ong, 11 kay Aedi Tai Yang; 15 kay Jack Tai Yang; 72 kay Michelle Santos Sy; 75 kay Elaine Chua; 22 kay Albert Valdez Sy; 1 kay Na Wang; 10 kay Ana Ong; lima kay Ana Ang; anim kay Cai Quimeng o Willie Ong, at tatlo kay James Valdez.
Samantala, si Ong, ang Empire 999 at mga kasamahan niya ay may significant land acquisitions sa Mexico, San Fernando, at Angeles City sa Pampanga; Nueva Ecija, Cabanatuan City, Aurora Province, Bulacan, Cavite City, Tagaytay City, Iloilo City, Lingayen, Pangasinan, Mandaue City, Lapu-lapu City, Valenzuela City, Quezon City, Rizal, Muntinlupa City, Taguig City, Makati City, Malabon, Parañaque City, Manila City, Davao del Norte, Isulan, Sultan Kudarat, at Tabuk, Kalinga, Apayao.
Ang lahat ng ito ay may kaugnayan sa mga kompanyang nilikha ng isa pang suspected Chinese drug lord na naging presidential economic adviser pa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Michael Yang.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment