Kinukumpiska at pinapalitan ng mga expired o nabubulok nang mga noodles ang mga huling isda ng mga mangingisdang Pinoy sa ginagawang 'barter trade' ng China sa Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc.
Ito ang isiniwalat ng mga mangingisda sa bayang ito sa konsultasyon ng mga Kongresista sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Special Committee on the West Philippine Sea (WPS) at House Committee on National Defense and Security sa bayang ito.
"Hinaharang po ng mga Chinese (China Coast Guard at maritime militias) ang mga bangkang pangisda namin kinukuha ang aming magagandang huli ng isda, yung sampung libong halaga ng isda na huli namin pinapalitan nila ng mga pa-expired kundi man ay talagang mga expired nang noodles," sabi ni Leonardo Cuaresma, isa sa mga apektadong mangingisda sa Masinloc.
Aniya, pinalalabas lang ng China na barter ang nangyayari pero isa umano itong malaking kasinungalingan at wala silang magawa kung saan ang mga naiuuwi nilang mga isda ay maliliit na lamang at halos lugi pa sa krudo.
Ang pagdinig ng joint Committee ay kaugnay ng 'gentlemen's agreement' nina dating pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping hinggil sa resupply mission sa tropa ng mga sundalo sa BRP Sierra Madre na nakaangkla sa Ayungin Shoal at nagbabantay sa inookupang isla ng Pilipinas sa WPS.
Sinasabing dahil sa 'gentlemen's agreement' ay naging agresibo ang China na mismong nasasaklaw ng 200 milyang Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.
Ayon naman sa Brgy. Chairman at mangingisdang si Gerry Mondia, 'di lamang mga taga-Masinloc kundi mula sa iba pang bayan ng Zambales at mga karatig lalawigan ay hindi na makapasok sa Scarborough Shoal.
Kung dati ay nasa 2-3 nautical miles sila nakakapangisda ngayon ay nasa layong 25-30 nautical miles na lamang.
Umapela rin ang mga mangingisda sa mga mambabatas na tuluyan silang makabalik sa kanilang normal na pamumuhay at makapasok muli sa lagoon ng Bajo de Masinloc para maging masagana muli ang kanilang huli.
ANGHEL MIDRERO - HN NEWS CORRESPONDENT
No comments:
Post a Comment